Aklanon, ‘fastest boy’ sa batang pinoy


PINAKAMALIIT pero pinakamabilis kaya nasungkit ng 14-anyos na runner ang kauna-unahang gintong medalya para sa lalawigan ng Aklan sa 100-meter dash sa 11.4 segundo sa pagpapatuloy na 2019 Batang Pinoy National Championships sa Puerto Princesa, Palawan.
Binansagan na ngayong ‘fastest boy’ ang atletang si Marc Anthony Daroy, ng Barangay Polo, New Washington, Aklan at Grade 10 student ng National Comprehensive High School sa nasabing bayan.
Sa iba pang athletics high jump girls event, sumungkit ng gold ang isa pa sa Siklab Youth awardee na si Mariel Abuan ng Zambales (1.54-m), habang si Krisha Aguillon ng Bacolod City ang reyna sa 100-m girls (12.7). Si Lyka Catubig ng Davao City ang reyna sa 2000-m walk girls (10.57.09 minuto), habang si Aaron Gumban ng Davao del Norte ang gold sa 2000-m walk boys (17:15.30 minuto).
Dinomina ni Karl Eldrew Yulo ng Maynila ang gymnastics matapos hakutin ang 5 gintong medalya sa ikalawang araw ng kompetisyon.
Ang 11-anyos na si Yulo ay nakababatang kapatid ni national team member at World Championships bronze medalist na si Caloy Yulo na nakahakot ng gold medal sa events ng vault, floor exercise, mushroom, individual all around at parallel bar, habang nakakuha siya ng silver mula sa high bar event sa cluster 2.
Sa cluster 1 gymnastics, apat na gold medal ang iniuwi ni Hilarion Palles III ng Pasig City, at nagwagi ito sa events na individual all-around, mushroom, parallel bar at team event.
Sa swimming, apat na gold din ang nakopo ni Marc Bryant Dula ng Parañaque nang pagharian ang boys 50-m butterfly sa 29.28 minuto at boys 200-m backstroke sa naitalang 2.31:95 minuto. “Masayang-masaya ako. Alam kong masaya rin si coach Susan para po sa akin,” ani Dula.
Unang nakuha ni Dula ang 2 gold sa unang araw ng kompetisyon sa 50m backstroke (31.10 minuto) at sa 100-m fly (1:04.55).
Sumabay din ang pambato ng Cainta, Rizal na si Aubrey Tom, na humakot ng 4 gold nang manaig sa girls 50-m butterfly (31.41 minuto)
Sa cycling, nagreyna ang pambato ng Sta. Rosa, Laguna sa Individual Time Trial (ITT) girls event na si Chelsea Sophia Periodico sa tinapos na (09:04.00).
Sa Boys ITT nanaig si Homer Bordeos ng Pangasinan (7:36.00) para sa gold kasunod ang teammate na si Lawrences Redila (7:43.00). Sa arnis, nagpakitang-gilas si Ram Cyril Deloso ng Iloilo City sa Cadet boys Individual 1 weapon event, habang si Eliyah Cervantes ng Pasig City ang naka-gold sa girls category ng individual 1 weapon. (ATD / MC)





Comments