top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Palit-pera gang, mga busy at madaling malitong tindera ang biktima

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 27, 2019
2 min read

MGA ka-BULGAR, kayo ba ay tindera, saleslady o bantay sa tindahan kung saan marami ang mga bumibili sa inyong binabantayang tindahan ng pagkain o mga materyal na bagay?

Para sa inyo ito, mga suki, para maging aware kayo sakaling mangyari sa inyo ang modus ng mga hinayupak na miyembro ng Palit-Pera Gang.

Target ng mga demonyong ito ang mga bagong bukas na tindahan at ‘yung maraming bumibili kung saan sumasabay sila sa bugso ng mga tao para magawa ng mga balasubas ang kanilang maitim na hangarin.

Mga ka-BULGAR, heto ang raket o modus ng mga dorobong ito. Una, may bibili sa inyo ng produkto at habang inaasikaso ng tindera ang kanyang binibili ay babayaran kayo ng buong P1, 000. Pangalawa, habang kumukuha ang tindera ng panukli, ang suspek ay may kunwaring kausap sa cellphone at agad nitong ipaka-cancel ang binibiling produkto kung saan ipasasauli ng suspek ang ibinayad na P1K.

Natural, sa kabiglaanan ng tindera ay ibabalik nito ang pera sa suspek na kapag nalingat ang biktima ay magrereklamo ang suspek na P100 lang daw ang ibinalik sa kanya, na ang hindi alam ng biktima ay agad pinalitan ng demonyong suspek ang isinauli sa kanyang pera.

Para hindi magduda ang kaawa-awang biktima, o-order pa kunwari ang dorobong suspek ng kung anu-ano na maliwanag pa sa sikat ng araw na isa lamang raket.

Kayong mga suki namin sa BULGAR, kapag may ganitong pangyayari sa inyong tindahan, sabihan n’yo agad ang demonyong ito na “isang libong piso ang ibinalik ko sa iyo!” para hindi ito makagawa ng paraan para makapanloko.

Kung meron namang CCTV ang inyong tindahan, mabuting rebyuhin muna ito bago maniwala sa inirereklamo ng kostumer para hindi kayo mabiktima ng modus ng Palit-Pera Gang.

Ikaw kaibigan, ano ang sey mo?

Laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!

Mas ligtas ang may alam!

Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page