PAGDANGANAN, KAMPEON SA U.S. LADIES PRO GOLF

ITINANGHAL na reyna si Asian Games double medalist Bianca Pagdanganan ng Pilipinas sa Ladies Professional Golf Association (LPGA) Qualifying Stage 1 Tournament matapos nitong pakawalan ang isang matinding finishing kick at ilampaso ang oposisyon sa Dinah Shore Course sa Rancho Mirage, California.
Humarurot si Pagdanganan, Asiad individual bronze medalist at gold medal winner sa team event kasama nina Yuka Saso at Lois Kaye Go, ng pitong birdies (hole nos. 2,3, 4, 7, 14 at 18) kontra sa isang bogey sa hole no. 6 at isang double bogey sa pang-17 butas tungo sa pagpoposte ng pinakamainit na iskor sa round 4 na 68 strokes.
Ito ang nagtulak sa Pinay teener paakyat ng trono bitbit ang umuusok na kartadang 13-under-par 275 pagkatapos ng apat na rounds ng bakbakan sa tatlong magkakaibang golf courses.
Bago rito, sa unang 3 rounds, pumalo si Pagdanganan, malapit nang makakuha ng kanyang Sports and Society degree sa University of Arizona, ng 70-67-70 sa Faldo Championships Shadows Ridge, Dinah Shore Mission Hills at Arnold Palmer Mission Hills ayon sa pagkakasunod-sunod sa torneong umakit ng halos 300 lady golfers mula sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.
Malayong segunda sa likod ng kampeong Pinay ang nag-iisang amateur sa podium na si Australian Hira Naveed na may nalikom na 10-under-par 278 kasunod si Mexican pride Ana Ruiz Laphond.
Nagsisilbing magandang senyales ito sa kampanya ng bansa para sa nalalapit na SEA Games.
Bukod sa panalong ito, makinang din ang naging performance ni Pagdanganan sa Hawkeye El Tigre Invitational nitong Marso 2019 (winner); sa Santi Cup noong Disyembre 2018; (winner); Philippine Amateur Open noong Enero 2019 (bridesmaid); at sa Rebel Beach Intercollegiate noong Pebrero 2019 (2nd runner-up).
Kung hindi makalalahok si Saso sa SEAG, ang pamatay na porma ni Pagdanganan ang sasandalan ng bansa sa biennial sports spectacle.





Comments