GILAS TEAM, DARAAN SA BUTAS NG KARAYOM
- Alvin Olivar/VA
- Aug 27, 2019
- 2 min read

NAKAPILI na ng 12 players si Gilas Pilipinas coach Yeng Guiao para sa koponan ng 2019 FIBA Basketball World Cup na tila daraan sa butas ng karayom sa unang salang kontra Italya at Serbia.
Pinangunahan ni Andray Blatche ang listahan ng mga lalaro para sa Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup kasama na ang iba pang mga beterano sa pandaigdigang kompetisyon kagaya ni Gabe Norwood, June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Paul Lee, RR Pogoy, Troy Rosario, Mark Barroca, at Raymond Almazan. Nakasama rin sa koponan si Kiefer Ravena na kakagagaling lang sa pagtatapos ng 18-buwan na suspensiyon mula sa FIBA, habang ang dalawang PBA rookies na si CJ Perez at Robert Bolick ay nakasama rin sa koponan. Tumatak ang ipinakitang performance ng dalawang dating NCAA standouts sa coaching staff ng national men’s basketball squad sa nakaraang training nila sa bansang Espanya.
Aminado si Guiao na malaking epekto ang naging injuries ng mga miyembro ng Gilas pool kagaya nila Poy Erram, Matthew Wright, at Marcio Lassiter. “It became really a health issue. We must choose the healthiest. Si Poy may problema sa tuhod, Matthew may problema sa heel, si Marcio matagal nang injured, si Beau (Belga) naman was just standing in. They were the last four guys left doon sa pool,” wika ni Guiao sa SPIN.ph kahapon.
Ayon kay Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio, gagawin ng Gilas Pilipinas ang lahat upang matuwa ang kanilang mga kababayan sa darating na World Cup. “These are the 12 gallant men who will fight for flag and country in the FIBA Basketball World Cup 2019 in China, but they would not have gotten this opportunity if it were not for the sacrifices of all the players, coaches, and staff that helped along the way throughout the FIBA Asian Qualifiers. This is your Gilas Pilipinas and they’ll do their best to represent the 100 million Filipinos and promote the Philippine brand of basketball on the world stage,” saad ni Panlilio sa isang statement.
Galing ang Gilas Pilipinas sa dalawang tune-up games laban sa Adelaide 36ers, isang koponan mula sa bansang Australia. Tinalo ng Gilas ang Adelaide, 92-83, noong Biyernes bago matalo noong Linggo, 85-75.
Sa darating na Sabado (Agosto 31) magsisimula ang FIBA World Cup na gaganapin sa China. Ang unang makakatunggali ng Gilas Pilipinas na gagabayan ni coach Guiao para sa group stage ang koponan ng Italy, susunod ang Serbia sa Lunes (Set. 2) at panghuli ang Angola sa Miyerkules (Set.4) sa Foshan International Sports and Cultural Arena.





Comments