Takot tumandang dalaga... SENYALES NA MAS MASUWERTE KUNG UUNAHIN ANG CAREER KESA SA LOVE LIFE
- BULGAR

- Aug 26, 2019
- 2 min read
Dear Maestro, Ako ay matagal nang nakatapos ng kursong Psychology at ngayon ay 27 years old na, pero wala pa rin akong stable job. Naisipan kong sumangguni sa inyo, Maestro, para itanong kung kailan kaya ako magkakaroon ng matatag at magandang trabaho? Sa larangan naman ng pag-ibig ay hindi ako ligawin. Matagal na akong nagka-boyfriend, pero isang beses lang at hindi na ito naulit. Kaya itatanong ko lang kung may pag-asa pa ba akong makapag-asawa? Madalas ninyong sabihin na ang mga taong isinilang sa petsang 15 ay tumatandang dalaga, tapos, nagkataon pang 6 din ang destiny number ko. Kaya sana, Maestro, bigyan ninyo ako ng payo kung ano ang dapat kong gawin para hindi ako tumandang talaga. June 15, 1992 ang birthday ko. Umaasa, Mhenggay ng San Isidro, Pagsanjan, Laguna Dear Mhenggay, Tama ka, hindi lang ang birth date mong 15 ang may sumatutal na 6 (ang 15 ay 1+5=6), bagkus, nagkataon ding ang destiny number mo ay “6” din (6+15+1992 =2013/ 20+13=33/ 3+3=6) sa zodiac sign na Gemini.
Gayunman, bago tayo magsimula, pansinin mo muna ang taong 2025, sa edad mong 33. Napansin mo ba, sa taong 2025 na may sumatutal na 9 (20+25=45/ 4+5=9) at ang edad mo ay 33 (kung saan ang iyong edad na 33 ay 3+3 =6) ay may sumatutal ding 6 (3+3 =6).
Ibig sabihin, sa panahong tinuran sa iyong buhay, walang duda, may positibo at magandang kapalarang magaganap sa iyong karanasan at sa panahong nabanggit sa iyong buhay, maraming suwerte at magagandang kapalaran ang kusang ipagkakaloob sa iyo ng langit.
Alam mo, kapag ang tao ay taong sais (6) na tulad mo at pagkatapos ay nagkataon pang ang zodiac sign niya ay Gemini, ang dapat mong gawin ay huwag mo munang intindihin o problemahin ang pag-aasawa, sa halip, ang gawin mo ay mag-concentrate ka sa iyong propesyon kung paano mo mapayayabong pa nang husto ang iyong career.
Kapag maunlad at mayabong na ang iyong career, kumbaga sa halaman ay maraming dahon at bunga ang aspetong pang-career ng Gemini, makikita mo na kusa ka nang susuwertehin, hindi lang sa career kundi sa pag-ibig at sa halos lahat ng aspeto ng iyong buhay.
Kaya kung nakatapos ka ng kursong Psychology at gusto mo naman ang kursong ‘yan, dapat kumuha ka ng Board exam, mag-masteral ka at pagkatapos ay mag-doctorate ka.
Kapag nagawa mo ‘yan, nag-concentrate ka sa career, mas malaking suwerte at kaligayahan ang aanihin mo habang ikaw ay nabubuhay.
Hinggil naman sa pag-ibig tulad ng nasabi na, kailangang pilitin mong mag-excel sa iyong kurso at kapag narating mo na ang mataas na posisyon sa iyong propesyong napili, halimbawang nagkaroon ka na ng regular na trabaho at nakita mo na ang tunay na papel mo sa mundong ito, tiyak ang magaganap, kasabay nito, darating na rin ang lalaking isinilang sa zodiac sign na Libra na magpapatibok ng iyong puso hanggang sa tuluyan mo nang mapangasawa na ayon sa iyong Love Calendar ay nakatakdang maganap at kusang mangyayari sa taong 2025.




Comments