SKIPPERS, ASINTA ANG Q’FINALS 2X-TO-BEAT


MAKASIGURO ng isa sa top 2 spots sa Group A ang tatangkain ng Marinerong Pilipino sa pagtutuos nila ng baguhang iWalk ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2019 PBA D-League Foundation Cup sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Ganap na alas-3:30 ng hapon, aasintahin ng Skippers ang ikalimang sunod nilang tagumpay na titiyak ng kanilang pagkakamit ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Muling sasandigan ni coach Yong Garcia upang mamuno sa Marinero sina Eloy Poligrates, JR Alabanza at Jhonard Clarito kontra Chargers (2-2) na hangad na patuloy na buhayin ang tsansa para sa nalalabing dalawang playoffs slots sa Group A.
Mauuna rito, tatargetin ng BRT Sumisip Basilan-St. Clare ang ikalawang playoff spot sa Group B sa pagtutuos nila ng winless pa ring McDavid-La Salle Araneta ng 1:30 p.m.
Manggagaling ang Saints sa 20-day break, matapos talunin ang Technological Institute of the Philippines , 85-70 noong Agosto 5.
At kahit nangingibabaw, nais ni coach Stevenson Tiu na lubos na masubukan ang tibay at tatag ng Saints.
Samantala sa huling laban ganap na 5:30 ng hapon, palalakasin din ng Asia’s Lashes Tomas Morato (2-2) ang tsansa sa huling dalawang playoff slot sa kanilang grupo sa pagsagupa nila sa Hazchem (1-2) na naghahangad ding makahabol at umusad sa susunod na round. (VA)





Comments