Paninira sa PAO kaugnay ng Dengvaxia — Chief Acosta | MGA ANTI-DUTERTE ANG UTAK

PUMALAG si Public Attorney’s Office Chief Persida Acosta sa mga paninirang ginagawa sa kanya na umabot umano hanggang sa social media.
Ang tinutukoy ni Acosta ay ang paggawa ng mga pekeng Facebook account na layon umanong sirain ang kanyang integridad.
Isa na rito ang account sa Facebook na may pangalang ‘Ryan Divina’ na sa tingin umano ni Acosta ay pseudo name lamang at layon na sirain siya at maging si Sen. ‘Bong’ Go na hindi rin pabor sa Dengvaxia ay nadadamay.
Lahat na lang aniya ng post ni Divina ay puro kontra sa ginagawa ng PAO na pagtulong sa mga biktima ng Dengvaxia at kanilang pagtutol sa kontrobersiyal na bakuna kontra dengue.
Pumalag din si Acosta kung bakit siya ang sinisisi sa pagdami ng mga kaso ng dengue sa bansa dahil sa paglaban nila sa Dengvaxia.
“Hindi po ako laban sa mga subok na bakuna! Dengvaxia lang ang isyu dahil experimental at walang screening ang ginawa nila,” pagbibigay-diin ni Acosta. Samantalang, mismong ang Sanofi na nga aniya ang umamin na may mga nakamamatay na side-effects ang Dengvaxia.
“Hindi ako doktor ng tao pero, bilang may puso at damdamin ay kayang maintindihan ng common na tao ang inamin na ito ng Sanofi na gumawa ng Dengvaxia,” paliwanag pa ng PAO chief.
Hindi man lang umano nagbigay ng antidote ang Sanofi para sa mga side-effect ng kanilang bakuna.
Malaki ang paniniwala ni Acosta na mga kalaban ng Duterte administration ang nasa likod ng mga paninirang ito sa kanya dahil ang Dengvaxia ay naaprubahan noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.
Marami aniyang kalaban si Pangulong Duterte at hindi lang mga drug lord, kriminal at iba pa.





Comments