Pagpapalaya kay Sanchez, kasalanan ni ex-P-Noy, hindi si PDU30
- BULGAR

- Aug 26, 2019
- 2 min read
MUNTIKAN nang napalaya ang convicted rapist at murderer na si Antonio Sanchez, dating mayor ng Calauan, Laguna dahil sa batas na ipinasa noong administrasyon ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III.
Ang Republic Act 10592 ay pinirmahan noong 2013 kung saan mapabababa o mababawasan ang sentensiya ng kuwalipikadong napan.
Ang basehan nito ay “good behavior” o magandang-asal ng preso sa loob ng bilangguan.
Naging retroactive ang batas kaya kahit nasakdal si Sanchez bago ipinasa ang R.A. 10592 ay maaari pa rin siyang “makalaya nang maaga”.
Pero teka muna, ganu’n lang ba kadali ‘yun? Hindi automatic ang ating batas kaya siguradong may prosesong pagdaraanan bago makalabas ng bilangguan si Sanchez.
Hindi siya ordinaryong kriminal. Matatandaang, napan si Sanchez ng reclusion perpetua o pagkakakulong ng 30 hanggang 40 taon dahil sa panggagahasa at pagpatay sa dalawang estudyante ng University of the Philippines Los Baños na si Mary Eileen Sarmenta at kaibigan nitong si Allan Gomez noong 1993.
Isa itong karumal-dumal na krimen na hanggang ngayon ay naaalala pa ng marami.
Ayon sa ulat, matapos gahasain ni Sanchez si Sarmenta, ipinasa pa raw niya ito sa kanyang mga tauhan para halayin nang paulit-ulit at saka pinatay.
Ito ay “heinous crime” na dapat matindi ang parusa.
Sa palagay natin, hindi sapat ang 40 taong pagkakabilanggo sa ganitong krimen. Dapat sa mga mala-demonyong gawain, death penalty ang parusa!
Pero, dahil sa batas na ipinasa ng administrasyong Aquino, nagkaroon ng pag-asa si Sanchez na makalaya sa edad na 73.
Ang masaklap, may naglalabasang balita na noong Hunyo pa raw nakalabas si Sanchez.
Sinisisi pa ng dilawan na si Presidential Spokesperson Salvador Panelo raw ang may pakana nito dahil ito ang dating abogado ni Sanchez, pero wala itong katotohanan.
Ang dapat sisihin ay ang batas na pinirmahan ni ex-P-Noy.
Palagay ba ninyo, papayag ang administrasyong Duterte na mapalaya ang ganitong klaseng kriminal?
Sa totoo lang, galit na galit si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kriminal kaya isinusulong niya ang pagbabalik ng death penalty.
Kaya sa mga maiingay d’yan na isinisisi agad sa administrasyong Duterte ang kontrobersiyang ito, alamin muna ninyo ang katotohanan sa pinagmulan nito at huwag agad magsalita o magkomento.





Comments