top of page

Salary loan pwede nang makuha sa ATM

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 25, 2019
  • 3 min read

Dear SSS, Magandang araw! Nabanggit sa akin ng kaibigan ko na maaaring matanggap ang salary loan mula sa SSS gamit ang ATM. Ano ba ang tinatawag na Salary Loan Release Thru the Bank? — Rico ng Makati City

Sagot Tama kayo dahil maaari nang matanggap ng miyembro ng SSS ang kanyang inutang direkta sa ATM. Ito ay ang Salary Loan Release Thru the Bank-UnionBank of the Philippines (UBP) Program. Nakipag-ugnayan ang SSS sa isa sa malalaking bangko sa bansa, ang UnionBank of the Philippines, para sa electronic na paraan ng pagtanggap ng salary loans gamit ang UBP Quick card na inisyu sa mga borrowers o nangungutang na miyembro, sa halip na sa pamamagitan ng tseke na ipinadadala sa koreo.

Sa ilalim ng programang ito, ang salary loan ng miyembro ay direktang mailalagay sa kanyang UBP Quick Card. Ang SSS-UnionBank Quick Card ay ATM card na naka-link sa personal na UnionBank savings account ng miyembro na bubuksan niya bilang bahagi ng aplikasyon sa salary loan. Ipinapasok sa UBP Quick Card ang salary loan sa loob ng tatlo hanggang limang araw mula sa petsa na maaprubahan ang loan application. Samantalang ang proseso ng pag-print, pagpapadala sa koreo at pag-clear ng tseke para sa salary loan ay maaaring umabot ng hanggang tatlong linggo na siyang nagdi-delay ng paglabas ng pautang sa mga miyembro. Sinimulan ang nasabing programa noong Nobyembre 2015 sa ilang piling sangay ng SSS.

Kuwalipikado sa programang ito ang mga miyembro na employed, self-employed at voluntary. Salary loan, emergency at calamity loan lamang ang nasasaklaw ng programa. Maaaring makakuha ng UBP Quick Card sa mga piling sangay ng SSS na may UBP On-Site Kiosk. Kabilang sa mga piling sangay ng SSS na mayroong UBP On-Site Kiosk ang SSS Diliman, Makati-Gil Puyat, Pasig-Pioneer, Makati-Ayala, Caloocan, Mandaluyong, Manila, Alabang, Bacoor, Biñan, Dagupan, Baguio, Cebu, Iloilo, Davao, Cagayan de Oro, Cubao, San Francisco del Monte, Binondo, Marikina, Bacolod, Pampanga at Lipa. Simula naman ngayong Setyembre, mag-iisyu na rin ng UBP Quick card sa SSS Naga, Laoag at Lapu-Lapu.

Para mag-apply para sa cash card, dapat kumuha ang miyembro ng Member Loan Application Form mula sa kahit saang sangay ng SSS o i-download ito mula sa SSS website (www.sss.gov.ph). Dapat nilang piliin ang “cash card” bilang paraan ng pagbabayad o loan release at isumite ang napunuang application form sa kahit alinmang sangay ng SSS na may UBP On-Site Kiosk.

Makukuha ng miyembro ang kanilang UBP Quick Card sa mismong araw na magsumite sila ng kanilang aplikasyon para sa loan. May mga nakatalagang tauhan ang bangko sa mga On-Site Kiosk para tulungan ang mga miyembro sa pagbubukas ng bank account para sa UBP Quick Card. Handa ring tumulong ang mga tauhan ng SSS sa pagproseso ng kanilang aplikasyon para sa programang ito. Walang expiration date ang UBP Quick Card kaya maaaring magamit ang naturang ATM card tuwing siya ay mangungutang sa SSS.

Nagsisikap ang SSS na pabilisin at gawing simple ang transaksiyon sa pagkuha ng salary loan. Sa kasalukuyan, piling sangay pa lang ng SSS ang nag-o-offer ng programang ito. Pero, unti-unti itong inaayos ng SSS upang sa darating na panahon ay mai-offer na rin ito sa lahat ng sangay ng SSS. Nawa’y nasagot namin ang inyong katanungan.

*** Nais nating ipaalala sa mga employer kasama rito ang mga amo ng mga kasambahay o household employer, na ang Contributions Condonation Penalty Program ay bukas hanggang sa ika-6 ng Setyembre 2019 lamang. Sa ilalim ng programang ito, binibigyan ng pagkakataon ang delingkuwenteng employer na bayaran ang mga hindi nabayarang kontribusyon ng kanilang mga empleyado nang walang multa.

Samantala, nanatiling bukas ang SSS Pension Loan Program para sa mga retiree pensioners upang matugunan ang panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Inaanyayahan natin ang mga pensiyunado na nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.

Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page