Dapat gawin ng akusadong nahaharap sa parusang reclusion perpetua kung gustong makapag-bail

NAKAPALOOB sa ating Saligang-Batas, partikular ng Article 3, Section 13 ang sumusunod na probisyon:
“Section 13. Ang lahat ng mga tao, maliban sa mga nahahabla sa mga paglabag na pinarusahan ng reclusion perpetua kapag matibay ang ebidensiya ng pagkakasala, bago mapan ay dapat mapiyansahan ng sapat na piyansador o maaaring palayain sa bisa ng panagot ayon sa maaaring itadhana ng batas. Hindi dapat bawalan ang karapatan sa piyansa kahit na suspendido ang prebilehiyo ng writ of habeas corpus. Hindi dapat kailanganin ang malabis na piyansa.”
Batay sa mga nabanggit na probisyon, makikita nating may karapatan ang bawat akusado o nahahabla na magpiyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya maliban na lang kung ang krimen kung saan siya ay nasasakdal ay mayroong kaparusahan na reclusion perpetua at kapag matibay ang ebidensiya ng pagkakasala.
Sa pagkakataong nais ng akusado na nasasakdal sa salang may kaparusahan na reclusion perpetua na siya ay makapagpiyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya habang nililitis ang kanyang kaso, siya ay maaaring maghain ng petisyon sa husgado kung saan nakabimbin ang kanyang kaso upang hingin na siya ay payagang makapagpiyansa. Ang tawag sa hakbanging ito ay “Petition for Bail”. Ito ay petisyon na nakasalalay sa diskresyon o pagpapasya ng hukuman.
Sa “Petition for Bail”, patutunayan ng prosekusyon na malakas at matibay ang ebidensiya ng pagkakasala ng nasasakdal o akusado. Ito ay sang-ayon sa Section 8 Rule 114 ng Rules of Court kung saan nakasaad:
“Section 8. Burden of proof in bail application. — At the hearing of an application for bail filed by a person who is in custody for the commission of an offense punishable by death, reclusion perpetua, or life imprisonment, the prosecution has the burden of showing that evidence of guilt is strong. Xxx”
Anumang ebidensiya na naipresenta na habang dinidinig ang Petition for Bail ay agad na maisasama sa ebidensiya sa mga susunod na pagdinig ng kaso. Subalit may karapatan ang bawat panig na muling pabalikin sa pagtestigo ang mga saksi na inihain na ng prosekusyon sa pagdinig ng inihaing Petition for Bail.
Ang karapatan ng nasasakdal na magpiyansa o maghain ng kanyang Petition for Bail ay base sa probisyon ng ating Saligang-Batas na ang lahat ng nasasakdal para sa krimen ay mayroong pagpapalagay na sila ay inosente sa krimen kung saan sila ay nasasakdal.
Mayroong iba’t ibang uri ng piyansa na pinapayagan ng hukuman at ang mga ito ay ang mga sumusunod:
1. Corporate surety; 2. Property bond; 3. Cash bond 4. Recognizance
Ang recognizance ay isang uri ng piyansa kung saan ang nasasakdal ay maaaring hilingin sa husgado na makalaya pansamantala sa kanyang pag-ako ng responsibilidad at tungkulin na dumating sa husgado para sa kanyang paglilitis o sa pangangalaga ng ibang tao na responsable (Section 15, Rule 114, Rules of Court).
Sa pagtatakda ng halaga ng piyansa ng hukuman, ang mga sumusunod na gabay ay ang mga magiging batayan ng husgado:
(a) Financial liability of the accused to give bail; (b) Nature and circumstance of the offense; (c) Penalty for the offense charged; (d) Character and reputation of the accused; (e) Age and health of the accused; (f) Weight of the evidence against the accused; (g) Probability of the accused appearing at the trial; (h) Forfeiture of other bail; (i) The fact that the accused was a fugitive from justice when arrested and (j) Pendency of other cases where the accused is on bail.
Ipinagbabawal ng batas ang pagpataw ng masyadong mataas na halaga ng piyansa.





Comments