Adik sa yosi at sobrang sigaw, sanhi ng sakit sa lalamunan
- Dr. Shane Ludovice, M.D.
- Aug 24, 2019
- 2 min read

Dear Doc. Shane, Nagkaroon ng cancer sa lalamunan ang tatay ko dahil naninigarilyo siya dati, pero ngayon ay itinigil na niya ito. Paninigarilyo lang ba ang sanhi ng pagkakaroon ng sakit sa lalamunan? — Ramon
Sagot

Ang pharynx ay kalamnang hugis-tubo na nagsisilbing lagusan papunta sa oral at nasal cavities na nasa ulo papunta sa esophagus at larynx. Ito ay halos limang pulgada ang haba at malimit na tinatawag na lalamunan. Nagsisimula ito sa likuran ng ilong at ang kabilang dulo ay nasa trachea o windpipe.
Ang bawat bahagi ng pharynx ay may kani-kanyang gawain sa pagtunaw ng pagkain at sa paghinga.
Ito, ito ay nahahati sa tatlong pangkat:

• Nasopharynx. Ito ang nasa likod ng nasal cavity sa likod ng ilong at itaas na bahagi ng lalamunan. Ito ay nakaugnay sa oropharynx sa pamamagitan ng pharyngeal isthmus na nakatabi sa soft palate, palatopharyngeal arches at likod ng pharynx. Ang isthmus ay naisasara kapag lumulunok. Sa lateral wall ng nasopharynx matatagpuan ang mga puwang papunta sa bukana ng auditory tube at dahil dito, maaaring kumalat ang anumang impeksiyon sa nasopharynx sa mga tainga.
• Oropharynx. Ito ay nagmumula sa loob ng soft palate hanggang sa ibabaw ng epiglottis. Ito ay nasa kalagitnaan ng lalamunan. Konektado ito sa oral cavity sa pamamagitan ng isthmus, palatoglossal arches at dila. Ang tonsil ay bahagi rin nito.
• Laryngopharynx. Ito ay umaabot sa ibabaw ng epiglottis hanggang cricoid cartilage at dumudugtong sa esophagus. Mayroon itong tinatawag na piriform recess kung saan puwedeng maipit ang mga kinakain na sanhi ng pagkabulon. Mga sakit ng lalamunan o pharynx:
• Kanser sa lalamunan o pharyngeal cancer. Ito ang pagkakakumpul-kumpol ng mga tumor na lumalaki at tumutubo sa mismong lalamunan, sa larynx o tonsil. Ang kanser sa lalamunan ay nakaaapekto rin sa epiglottis. Madalas itong magdulot ng mga sintomas na tulad ng ubo, pag-iiba ng boses o pamamalat, kahirapan sa paglunok, sakit sa mga tainga, bukol na hindi gumagaling, pamamaga at pagbawas ng timbang.
• Namamagang lalamunan o sore throat (pharyngitis). Ito ay maaaring hatid ng mga sakit mula sa virus na tulad ng sipon, impeksiyon sa larynx, mononucleosis, mumps o trangkaso. Maaari rin itong manggaling sa bacteria mula sa streptococcus o pamamaga ng tonsil o adenoid, epiglottis o uvula. Puwede rin itong manggaling sa STD tulad ng gonorrhea o chlamydia o aksidente sa lalamunan.
Malimit na ang dahilan ng sakit sa lalamunan ay dahil sa paninigarilyo, pagkairita nito at labis na pagsigaw. Ito ay gumagaling kahit walang medikasyon. Ang gamot sa pamamaga ng lalamunan ay nakadepende sa pinagmulan nito.





Comments