PAANGASAN ANG UNBEATEN NA RED LIONS AT BLAZERS

MAGTUTUOS ang dalawang nangungunang koponan sa 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA), ang defending champion San Beda University (7-0) at College of Saint Benilde (5-1) ngayong araw sa FilOil Flying V Centre simula alas-12:00 ng tanghali. Nanatiling paborito ang walang bahid na Red Lions matapos nilang talunin ang Lyceum of the Philippines University, 88-73, noong Biyernes sa unang pagtapat ng mga naglaro para sa kampeonato noong 2018.
Umarangkada nang todo ang San Beda sa huling quarter at nagpaulan ng tres sina Franz Abuda, Evan Nelle at Clint Doliguez at umabot sa 22 ang kanilang lamang. Nagpasabog nang husto sina Calvin Oftana ng 20 puntos at 12 rebounds, Donald Tankoua ng 19 puntos, Doliguez na may 15 at Nelle na may 14 puntos at 7 assists. Sa panig ng Blazers, gusto nilang makabawi mula sa unang pagkatalo noong Agosto 16 sa kamay ng Lyceum, 71-74. Matapos ang kanilang limang sunod na tagumpay, panahon na para sa bagong simula at aasa ang koponan ng Blazers kina Justin Gutang, Clement Leutcheu, Yankie Haruna, Edward Dixon, Jimboy Pasturan, Unique Naboa at Robi Nayve na malaki ang papel na ginagampanan sa panalo.
Sa 2nd game ng alas-2:00 ng hapon, babalik na sina Coach Edgar Macaraya ng San Sebastian Stags at Coach Frankie Lim ng UPHSD-Altas matapos lumiban sa kanilang mga laro noong Martes kung saan parehong nagwagi ang kanilang mga koponan. Pagtutuunan ng pansin ng SSC (3-3) at UPHSD (3-5) ang pag-angat sa kartada upang makadikit sa nangunguna sa liga.
Sa huling laro, sisikapin ng Lyceum na makabawi sa pagharap sa season host Arellano University (1-6). Malaking bagay para sa Chiefs ni Coach Cholo Martin ang patuloy na mahusay na laro nina Kent Salado, Justin Arana, Rence Alcoriza at Archie Concepcion para makamit ang mailap na 2nd win ngayong 2019.
Samantala, nanatili sa tuktok ng NCAA Seniors Chess ang defending champion St. Benilde kahit nagtabla sila ng San Beda, 2-2, sa 3rd round ng torneo. May pinagsamang 9 na puntos ang CSB habang umangat sa 2nd place ang Letran na may 8.5 puntos at parehong may 6.5 puntos ang Arellano at Lyceum.





Comments