top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

P6.8 milyong shabu nasamsam | 2 MIYEMBRO NG BURATONG DRUG SYNDICATE NANLABAN, UTAS

Madel Moratillo
Aug 23, 2019
1 min read

PATAY ang dalawang hinihinalang miyembro ng Buratong Drug Syndicate matapos umanong manlaban sa buy-bust operation sa Bgy. Dela Paz, Pasig City, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang mga napatay na sina Jalal Salamoden alyas Bon Jovie, residente ng Mandaluyong City at Sampiano Rason alyas Sonny, ng Pasig City.

Bandang alas-2:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa harap ng gas station sa Felix Avenue corner Kabayanihan St.

Nauna rito, nagsagawa ng buy-bust operation ang Pasig City Police, National Capital Region Police Office at Philippine Drug Enforcement Agency laban sa dalawa.

Matapos ang transaksiyon ay nakatunog umano ang mga suspek na pulis ang kanilang katransaksiyon kaya pinaputukan ang mga ito na masuwerteng hindi naman tinamaan.

Sa halip na sumuko, lumaban pa rin sa mga awtoridad ang mga suspek na nagresulta sa kanilang agarang kamatayan.

Narekober mula sa mga suspek ang isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P6.8 milyon, kalibre .45 revolver, 9mm na baril, mga bala at motorsiklo na kanilang ginamit.

Ayon kay NCRPO Chief P/M Gen. Guillermo Eleazar, matagal na nilang sinusubaybayan ang iligal na operasyon ng mga suspek dahil sa pagiging ‘high profile’ at responsable umano sa pagpapakalat ng droga sa eastern part ng Metro Manila at mga kalapit na probinsiya.

Miyembro umano ang mga ito ng Buratong Drug Syndicate na itinatag ni Amin Imam Buratong, na ngayon ay nakakulong sa New Bilibid Prison at siyang nasa likod ng shabu tiangge sa Mayapa Compound, Bgy. Sto Tomas, Pasig City.

Nang madakip si Amin ay ipinagpatuloy ang operasyon ng sindikato na pinamunuan ng pinsan nitong si Acsaimin Buratong alyas Mac-Mac.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page