Kilalanin: Iba't ibang uri ng anghel depende sa ugali ng tao
- BULGAR

- Aug 23, 2019
- 2 min read
Bigyang-daan natin ang pagpapatuloy ng kasagutan sa email ni Minthie ng Minthie_Minthie @facebook.com Sa iyo Minthie, Tulad ng nasabi na, ang anghel ay lumalabas kasabay ng mga kidlat, pero may mga pagkakataon na nakasakay ang mga ito sa ulap na parang buhawi at mula rito, bababa sila sa lupa. Gayundin, may mga anghel na biglang dumarating sa lupa at hindi malaman kung paano sila nakarating.
Ayon sa lola ko, bumababa ang mga anghel kapag may misyon sila sa lupa o may ipinagagawa sa kanila si God at muling babalik sa langit. Dagdag pa niya, may tatlong anghel na ayaw nang umalis sa lupa at hindi natutulog araw man o gabi.
Sila ang tatlong anghel na nagbabantay sa Paraiso kung saan nanirahan ang mga unang tao na sina Adam at Eve.
Nagbabantay sila para walang makapasok sa Paraiso dahil kapag nakapasok ang tao ay baka makain nila ang bunga ng puno na tinatawag na “Bunga ng Walang Hanggang Buhay” kung saan ang sinumang makakain ay hindi mamamatay.
Sa pagbabantay ng mga anghel, dala nila ang Espadang Apoy, pero ang apoy ay liwanag na kayang tumunaw ng kahit anong matigas na bagay.
May mga anghel naman na walang dalang espada pero, dala nila ang mensahe ni God sa taong pinag-uukulan kaya sa partikular na tao na ito sila nagpapakita.
Samantala, may mga anghel na lakas lamang ang kanilang dala. Sila ang mga anghel na nag-alis ng malaking bato na nakaharang sa puntod ni Kristo.
Sa panahon ngayon, may mga anghel na nauutusan ni God para makipag-usap sa mga tao. Sila ay nagpapakita sa mga tao na kung tawagin ay ‘galit sa mundo’, walang gaanong mga kaibigan at nabubuhay nang mag-isa o malayo sa mga tao.
Dahil malungkot ang buhay ng mga ganu’ng klase ng tao, sila ay pinasasaya ng mga anghel, nakikipaglaro at kinukuwentuhan ng mga kaganapan sa langit.
Madalas, ikinukuwento rin ng mga ito ang mga nangyayari sa mundo.
Nagpaparamdam din ang mga anghel sa mga taong masayahin, palakaibigan at mahilig makipag-usap. Kaya lang, hindi na nila napapansin ang pagpaparamdam ng mga anghel dahil sila ay abala sa kanilang nakahiligan.
Gayunman, kung magkakaroon sila ng sakit, ang mga anghel ay gagawa ng paraan para sila ay gumaling.
May isa pang klase ng anghel at ito ay ang tinatawag na The Guardian Angel o Angel de la Guardia na nakadestino sa bawat tao na tatalakayin natin sa susunod. (Itutuloy)



Comments