Drug den buking | 8 TIMBOG SA SHABU

WALO katao kabilang ang tatlong magkakapatid ang arestado sa buy-bust operation sa Valenzuela City, kahapon.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Carlito Gaces, alas-12:30 ng hatinggabi nang ikasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni P/Capt. Segundino Bulan, Jr., ang buy-bust operation kontra kina Felipe Taller alyas Pido, 25; Imelda Mallari, 38, at Josephine Mallari, 54, sa bahay ng magkapatid na Mallari sa Malinta, sa koordinasyon sa PDEA.
Matapos iabot ng mga suspek ang isang sachet ng shabu kay PCpl. Mendoza III na umaktong poseur-buyer kapalit ng P200 marked money, agad nagbigay ng signal sa back-up na mga operatiba na mabilis namang lumusob saka sinunggaban ang mga ito.
Narekober kay Taller ang tatlong sachets ng shabu, buy-bust money, P600 bill, coin purse at plastic bag na naglalaman ng transparent sachets habang nakuha kay Imelda ang dalawang sachets ng shabu at P60 bill.
Timbog din sa operasyon sina Joseph Mallari alyas Baba, 46; Jaymark Pacheco, 25; Marvin Barrios, 26; Cornelio Enriquez, 27, at Jay Bandojo, 41, hairstylist matapos maaktuhang sumisinghot ng shabu sa loob ng hinihinalang drug den.
Ani PSSg. Julius Congson, nakumpiska sa mga suspek ang dalawang sachets ng shabu, dalawang nakabukas na sachets na may bahid pa ng shabu at ilang drug paraphernalias.





Comments