Dept. of Finance, tuwang-tuwa sa kita sa POGO; DND, PNP at AFP, todo-palag naman!
- BULGAR

- Aug 23, 2019
- 2 min read
NANAWAGAN ang China sa bansa na ipagbawal ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pilipinas matapos ipahayag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na hindi muna magbibigay ng mga panibagong lisensiya sa POGO.
Tulad ng mga nakaraan nating katanungan, bakit pinapayagan ng bansa ang POGO kung iligal ito sa China?
Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Geng Shuang, sana ay palakasin ng bansa ang pagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng pagtutulungan ng China at Pilipinas na sugpuin ang mga iligal na aktibidad kabilang ang online gambling at cyber fraud.
Ano kaya ang masasabi ng Department of Finance (DOF) na tuwang-tuwa sa perang pumapasok sa kaban ng bansa dahil sa mga POGO? Ano rin ang masasabi ng mga nagpapaupa ng mga bahay at negosyo na umusbong para sa mga POGO? Pakinggan kaya ng gobyerno ang panawagan ng China?
Masasabi nating hindi talaga natuwa ang Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) kung pagbabatayan natin ang mga pahayag ng kani-kanilang pinuno hinggil sa mga POGO. Ano kaya ang susunod na kilos ng administrasyon tungkol sa isyung ito?
◘◘◘
Ikinatuwa naman ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangang humingi ng pahintulot ang mga barkong daraan sa ating karagatan.
Kamakailan, naglayag ang ilang barkong-pandigma ng China sa Sibutu Strait, malinaw na nasa loob na ito ng ating teritoryo. Sa kanilang paglayag, pinatay nila ang automatic identification system para hindi sila mapansin, pero mabuti na lang at hindi sila nakalusot.
Hindi natin alam kung gagawin ulit ng China ang kanilang ginawa ngayong may utos na mula kay Pangulong Duterte. Gayunman, handa naman daw kumilos ang Philippine Navy kung sakaling ulitin ito. Sana ay matutunan ng China ang rumespeto sa batas o patakaran ng ‘kaibigang bansa’ para walang problema.





Comments