SMB COACH AUSTRIA, ESPORTS AT CBA, TAMPOK SA TOPS


MAGANDANG Huwebes ang sasalubong sa Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) dahil si San Miguel Beermen coach Leo Austria ang magiging tampok na panauhin sa 36th “Usapang Sports” na idaraos sa National Press Club sa Intramuros.
Tatalakayin ni Austria ang matagumpay na title campaign ng San Miguel sa PBA Commissioner’s Cup, maging ang tsansa ng Beermen na makumpleto ang isa pang grand slam. Dadalo rin sa 10 a.m. public service program na suportado ng Philippine Sports Commission, National Press Club, PAGCOR, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drink ang Team Liyab Esports team at ang bagong inestablisang Community Volleyball Association.
Ang Team Liyab members na sina Kevin Kio “Gambit” Dizon, Jeremiah “1717” Camarillo, Jervan Lorenzo “Bents” Delos Santos, Lawrence Anthony “Rubixx” Gatmaitan at Miguel Klarenz “Miggie” Banaag ang mga napili upang iensayo ang national esports team Sibol sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games.
Ang ESports games, tulad ng Dota 2, Mobile Legends: Bang Bang, Tekken 7 at Hearthstone, kasama ang Arena of Valor at Star Craft ll ang ikinokonsidera ngayong medal sports sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng SEAG.
Pag-uusapan naman ng CVA officials na sina president Carlo Maceda, tournament head Alvin Tañada at commissioners Salvador Cambay at Watamama Macalanggan ang nalalapit na volleyball competition.
Iniimbitahan ng TOPS ang lahat ng mga opisyal at miyembro ng sports community na dumalo sa sesyon na ipinalalabas sa Facebook live via Glitter Livestream. (MC)





Comments