Sining at kultura, ituro pa rin sa bago at susunod na henerasyon


TAYONG mga Pinoy ay likas na mahilig sa sining. Bago pa man tayo sakupin ng mga Kastila ay mayroon na tayong folk arts na itinuturing bilang isa sa mga yaman at ipinagmamalaki ng ating bansa.
Tampok ang sari-saring sangay ng sining sa mga okasyon o simpleng salu-salo ng pamilyang Pilipino tulad ng kaarawan, kasal, piyesta, graduation, lamay at iba pa, hinding-hindi mawawala ang pangkaraniwang uri nito, ang musika at iba pang malilikhaing gawain kaugnay nito.
Bukod dito, mayroon din tayong mga kahanga-hangang tampok na obra-maestra ng mga pintor sa bansa tulad nina Fernando Amorsolo, Juan Luna, Benedicto Cabrera at marami pang iba.
Napakalawak ng kultura ng Pilipinas dahil na rin ito sa mga pinagsama-samang impluwensiya ng kaugalian, tradisyon, paniniwala, selebrasyon, kasabihan, maging ang pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao at iba pa. Habang ang sining naman ay ang paglalarawan ng samu’t saring kaisipan, emosyon at pilosopiya na nagiging instrumento upang maipakita o maipahayag ang tunay na saloobin ng indibidwal.
Sa labis nating pagmamahal sa sining, naging parte na ito ng ating pamumuhay at sumasailalim sa ating kaluluwa.
Sa madaling salita, hindi kailanman mamamatay ang sining.
Ngunit, sa kasalukuyan ay may kakulangan sa paglalathala ng mga libro at magasin tungkol sa ating sining at kultura.
Kaya naman napapanahon na para matutukan ang industriyang ito.
Bukod sa usapin sa matinding trapiko, iligal na droga, pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado at iba pang mga pagsubok ng lipunan, panahon na para suportahan ang mahalagang bahagi ng ating sibilisasyon.
Isa si Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Magtolis-Briones sa mga nanghihikayat sa mamamayan na bigyan ng tunay na kahalagahan ang kapakanan ng ating sariling sining at kultura.
Sa mga paaralan, maraming posibleng gawin upang patuloy na maging buhay ang sining at kultura hanggang sa mga susunod pang henerasyon.
Kabilang na rito ang pag-aaral ng buhay at mga gawa ng ating mga bayani, isa na rito si Gat Jose Rizal at ang kanyang Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
May mga libreng museum na maaaring mapasyalan tulad ng Museo ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Pambansang Museo ng Pilipinas at Ayala Museum upang gawing pamilyar ang sarili sa kasaysayan ng bansa at aktibong ibahagi ang lahat ng ito sa loob at labas ng klasrum.
Ang hamon sa pag-unlad ng sining at kultura ay hindi dapat sukuan.
Ito ay ating patuloy na pagtutuunan ng pansin bilang chairman ng Committee on Basic Education, Arts and Culture upang makapagbalangkas ng mga panukalang-batas tungo sa preserbasyon at pagpapaunlad nito.
Kasama na rito ang pagsasaayos at pagpapaganda ng mga entablado at pagsusulong sa husay ng ating mga local artist at cultural worker sa pamamagitan ng pagkilala sa kanila sa National Artist of the Philippines Award at Gawad ng Manlilikha ng Bayan.
Sa kabilang banda, tayo ay umaasa na gagawin ng bawat isa ang kanyang responsibilidad bilang mamamayan ng bansa na itanim sa puso at kaisipan ang pagmamahal sa ating sining at kultura.
Hinihikayat natin ang pagtutulungan ng mga magulang, paaralan at pamahalaan para maisakatuparan ang ating pangarap na mapalakas pa lalo ang ating kasarinlan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments