Para wala nang illegal parking | Mga bakanteng lote na gagawing garahe, aprub!

Kung isinusulong ang ‘no parking, no car’, may naisip na solusyon ang alkalde ng San Juan para sa mga residenteng may sasakyan, pero walang garahe.
Madalas na natitiketan at nato-tow ang sasakyan ng ilang residente ng San Juan dahil sa illegal parking na karaniwang nagdudulot sa pagsikip ng kalsada.
Kaugnay nito, nakahanap na ng solusyon ang lokal na pamahalaan ng San Juan kung saan ayon sa kanilang alkalde, maaari namang gawing parking area ang mga bakanteng lote na pag-aari ng gobyerno at ilang residente sa siyudad.
Kamakailan, ibinaba ni Mayor Francis Zamora sa konseho at barangay ang solusyon sa kawalan ng parking para maging kapaki-pakinabang ang mga bakanteng lote na aniya’y nakatengga at binabakuran lamang.
Dahil dagdag-kita at makatutulong sa mga kapitbahay ang pagpapaupa ng parking lot, aprub dito ang ilang lot owners kaya agad ipinatibag ng ilang may-ari ang lumang imprastruktura sa isang barangay at ipinaayos para gawing parking area habang ipinahahanda na ni Mayor Zamora ang mga lote na pag-aari ng gobyerno.
Alinsunod sa utos ng alkalde, ayon kay Jun Bilses, bgy. chairman, para walang samaan ng loob, ipapa-raffle aniya ang slot at kung sino ang mabunot, siya ang puwedeng gumamit ng parking slot.
Gayundin, para masigurong hindi “taga” ang singilan, fixed monthly rate ang balak ng city hall para sa gagawing parking lots at ang pamunuan ng barangay ang magpapatakbo at magme-maintain nito.
Bagama’t, magandang hakbang ito para mabawasan ang mga sasakyang nagkalat sa mga kalsada na nagdudulot ng trapiko, hindi lamang ang pamahalaan ang dapat gumawa ng hakbang para masolusyunan ito dahil tayong mga residente ay may dapat ding gawin.
Kaya pakiusap sa lahat, hangga’t maaari, huwag basta bumili ng kotse kung walang garahe!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments