Social media influencers, taob ang mga artista, mas iniidolo na


SA panahon ngayon, camera at internet lang ang puhunan, puwede nang sumikat at kumita.
Sila ‘yung mga tinatawag na vlogger na minsan ay mas pinagkakaguluhan pa kesa sa mga artistang napapanood sa TV.
Marami na rin sa kanila ang binansagang ‘social media influencer’ dahil masasabing may ‘say’ na sa mga bagay-bagay. Tulad ng pagre-review ng iba’t ibang produkto mula sa mga pagkain, gamit, sasakyan at pati pasyalan.
Sa pamamagitan ng panonood sa kanilang videos, nagkakaroon ng idea ang mga netizen o mismong konsiyumer kung ano ang dapat bilhin o puntahan. Sa madaling salita, nagagawa nilang impluwensiyahan ang kanilang mga follower.
May vlogger din na libangan lang ang pagbi-video, simpleng daily vlogs pero may impact pa rin sa kanilang subscribers. Ipinakikita nila kung paano sila bilang indibidwal sa kanilang pamilya, kaibigan at mga kakilala na minsan, hindi namamalayang ginagaya na rin ng mga nakakapanood sa kanila.
Kung nagiging powerful na ang social media, ganundin ang mga gumagamit nito. Ngayon, kung ito ba ay mabuti, masama, palabas lang o reyalidad, hindi na natin masasabi at depende na lang sa nanonood kung paano niya tatanggapin.
Pero, kung isa kang vlogger na napakarami nang tagahanga, eh, mapapanood kung paano ka inaresto dahil sa pagkakasangkot mo sa iligal na gawain, dapat ka pa bang gayahin?
‘Yung pagkakataong marami tayong mai-inspire na kabataan para mas magpursige sa pag-aaral, trabaho o libangan, gamitin natin. Sayang ang milyun-milyong subscribers at milyun-milyong buhay.





Comments