Sa ginagawang Skyway | 58 TONELADANG BEAM, BUMAGSAK

BUMAGSAK ang coping beam na ikinakabit para sa Skyway Stage 3 sa North Luzon Expressway (NLEX) matapos matanggal sa kinakapitang hook habang inilalagay sa puwesto, kahapon.
Hindi pa matukoy kung bakit bumagsak ang 58 toneladang coping beam malapit sa Balintawak southbound exit pasado alas-2:00 ng madaling-araw, ayon sa rigging engineer na si Reggie Garcia.
“Noong maiangat, nagkaroon ng problema doon sa lifting log pero ‘yun ay nasa design naman. Wala namang may gusto, bumigay ‘yung lifting log at ‘yan ang nangyari,” ani Garcia.
Ang lifting eye o lifting log ay ang kinakabitan ng kadena ng crane. May 4 na lifting eyes sa coping beam at dalawa rito ang nasira. Pasado alas-8:00 ng umaga, sinusubukan pa ring ibaba ang coping beam para sirain at palitan ng bago.
Wala namang natamaan nang bumagsak ito.





Comments