Rider dedbol sa van

TODAS ang rider habang sugatan ang angkas nito matapos mabangga ng van sa Valenzuela City, kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-arrival sa Valenzuela Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan si Roldan Capillo, 33, ng Maysan, habang ginagamot naman sa naturang pagamutan ang angkas nitong si Rodel Corpin na nagtamo rin ng mga sugat sa katawan.
Nahaharap na sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and physical injury ang driver ng van na si Christian Idava, 26, ng Bulacan.
Batay sa imbestigasyon, ala-1:30 ng madaling-araw, kapwa tinatahak ng motorsiklo at van ang Maysan Road patungong McArthur Highway kung saan nasa kanang lane ang motor.
Pagsapit sa kanto ng M. Antonio St., tinangkang lumiko pakaliwa ng motorsiklo na naging dahilan upang mabangga ito ng van na nagtangka namang mag-overtake.
Tumilapon ang motorsiklo at ang mga biktima na agad isinugod ng rumespondeng Valenzuela Rescue Team sa naturang pagamutan habang dinakip naman ng pulisya si Idava.





Comments