Paggamit ng wikang Filipino, walang tama o mali, nagbabago bawat henerasyon
- BULGAR

- Aug 19, 2019
- 3 min read
KAARAWAN ngayon ni dating Pangulong Manuel L. Quezon.
Siya ang tunay na ama ng Wikang Tagalog.
◘◘◘
TALIWAS sa paniniwala ng marami, iba’t iba ang pinag-ugatan ng Wikang Tagalog na naging pundasyon ng Wikang Filipino.
Ginamit ang katagang “Filipino” upang hindi raw mag-away-away ang mga katutubong nagmula sa iba’t ibang rehiyon.
◘◘◘
ANG problema, ang katagang Filipino ay kasingkahulugan din ng tawag sa katutubong nakatira sa teritoryo ng Pilipinas.
Dahil diyan, nagkakaproblema sa komunikasyon o paglilipat ng mensahe.
May problema rin ang katagang “Filipino” kasi iniispeling din ito bilang “Pilipino”.
◘◘◘
HANGGANG ngayon, walang nakaka-master sa tumpak na paggamit ng “Filipino” at “Pilipino”.
Maging ang nag-master o nagdoktorado sa lengguwaheng Filipino ay nahihirapan itong ipaliwanag.
Ibig sabihin, kakarampot na mamamayan—ang mga akademiko lamang ang nakauunawa sa paggamit ng “Filipino” at “Pilipino”.
◘◘◘
GAYUNMAN, ang paggamit ng Tagalog ay malinaw na malinaw na ito ang lengguwahe na ginagamit sa mga lalawigan sa Luzon.
Aktuwal na matutukoy na ang mga naninirahan sa Quezon, Aurora, Mindoro, Palawan, Batangas, Cavite, Laguna, Bulacan, Rizal, Bataan, Zambales at Metro Manila ay pawang nagsasalita ng “Tagalog”.
◘◘◘
ANG mga mamamayan na bihasa sa paggamit ng Tagalog ay binabansagang “Tagalog” kapag naliligaw sa mga probinsiya na may sariling dayalekto.
Sa ngayon, ang Tagalog ay kasingkahulugan ng “Filipino” o “Pilipino” na termino sa asignatura at akademiya.
◘◘◘
NAIS nating linawin na may ilang pagkakaiba ang gamit ng Tagalog sa mga binanggit nating lalawigan.
Halimbawa, likas sa Cavite na gumamit ng mga pang-”nakaraan” sa mga “pangkasalukuyang kataga” — tulad sa “nakain ka na ba ng hapunan”.
Sa mga taga-Bulacan, maaari nilang sabihin na “mali ang pangungusap” na ito, pero sa katutubong Caviteño, iyan ang kanilang nakalakihan.
◘◘◘
SA mga lalawigang malayo sa Metro Manila tulad ng Quezon, Palawan, Mindoro at ilang lugar sa Marinduque at Romblon—gumagamit sila ng higit na malalalim na “Tagalog” na hindi na kayang unawain ng kasalukuyang kabataan tulad ng mga millennial at Gen-Z kid.
Walang makapagdidikta kung alin ang tamang paggamit ng Tagalog, maliban na suriing mabuti ang dayalekto sa malalayong lalawigang may katutubong gumagamit nito.
◘◘◘
SA ngayon, ang mga taga-Metro Manila ay gumagamit ng tinatawag na “lingua franca”—ang modernong Tagalog na binabansagan ng iba bilang “modernong Filipino”.
Ito ay dahil ang lingua franca ay nahaluan na ng mga katagang Sugbuanon, Hiligaynon, Bicol, Kapampangan, Panggalatok, Ilonggo at iba pa.
◘◘◘
ANG katagang ginagamit sa panitikan o literature at mga makata ng panahon ay karaniwang malalalim na mahirap maunawaan ng mga millennial at Gen-Z kid.
Pero, ang mga katagang ginagamit ng mga aktibong dyornalista kasama na ang mga brodkaster at netizen ay maituturing nang lingua-franca o napapanahong klase ng lengguwahe.
◘◘◘
KUNG paano mapagtatagpu-tagpo ang lengguwaheng ito tungo sa isang kapsuladong pag-aaral at modelo—ay isang malaking hamon hindi sa mga uugud-ugod nang “maestro” ng wika, bagkus ay sa hanay ng mga kabataang nagmamahal sa Wikang Tagalog.
Tandaan natin na ang wika o mga kataga—kapag ginagamit ng milyun-milyong katao—ay mistulang “karagatan” na hindi maaarok ninuman.
◘◘◘
Ang lengguwahe ay “karagatan” ng wika na hindi maaaring idikta ng sinumang doktorado.
Ang magagawa lamang natin ay suriin ito nang suriin at pag-aralan, pero hindi kailanman maididikta ng sinuman, ang tama o maling gamit ng mga ito.
◘◘◘
BAWAT panahon ay nakikisabay sa pagbabago ang paggamit ng “wika” kaya ang mga nagsusuri, nag-aaral o doktorado ng lengguwahe ay naiiwan sa pansitan.
Bago sila makabuo ng isang “kapsula”, nalipasan na ng panahon ang kanilang aklat at mga inobasyon.
Kailangang maglatag sila ng hulmahan o panukat kung paano susuriin ang lengguwahe pero hindi kailanman para idikta ang tama at mali.





Comments