GENSAN WARRIORS, NAMBIKTIMA; BICOL AT BULACAN, NAMAHIYA


GIGIL ang General Santos City na magurlisan man lang ang kampeon noong Sabado ng gabi, kaya naman nagtagumpay ang Warriors at biniktima ang Muntinlupa Cagers sa bisa ng 84-61 sa MPBL Lakan Season sa Baliwag Star Arena.
Ang ika-6 na diretsong panalo ang naglagay sa Gen San Warriors ng tie sa 2nd place ng southern division ng torneo. Pinag-ibayo ng GenSan ang win-loss record sa 8-2. Depensa ang pinalakas ng GenSan laban sa Muntinlupa nang butatain ng Warriors ang big guns ng Cagers.
Hindi nakaiskor sa sandaling minuto ng laro si Ryusie Koga na may 4 puntos lamang, isa lang ang na-swak sa 6 na tangka nang malaglag sa ilalim ng team standings at masaklap na kumabig ng 8 talo sa 11 laro.
Nagbalik naman sa winning track ang Bicol at Bulacan matapos na pahiyain ang kani-kanilang karibal.
Nanggaling pa sa tatlong pagkatalo, binugahan ng Volcanoes ng lava ang Navotas Clutch, 88-73. Namuno sa Bicol si Ronjay Buenafe sa 15 puntos, habang si Hafer Mondragon ay may 14 puntos at 11 rebounds.
Ipinarada ng Bulacan ang bagong head coach nila na si Kerwin McCoy na pumalit kay Britt Reroma at ikinatuwa niya ang pagbibigay ng Kuyas ng 74-69 na panalo kontra sa makulit na Mindoro Tamaraws.
Ito ang ika-6 na panalo sa 11 laro ng Kuyas na umakyat sa 7th spot ng northern division ng MPBL. (MC)





Comments