Dagdag na toilet at bantay sa Bora, iwas-pambababoy sa isla
- BULGAR

- Aug 18, 2019
- 1 min read

DAGDAG na public toilet, beach guards at Malay Auxiliary Police ang ilan sa mga nakikitang solusyon upang hindi na maulit ang ‘beachfront pooping incident’ sa Isla ng Boracay.
Matatandaang, nag-viral ang video kung saan namataan ang isa umanong Chinese na babae na hinuhugasan sa baybayin ang anak nito na dumumi, habang ang isa pa ay nakitang ibinabaon sa buhangin ang diaper.
Kaugnay nito, dalawang araw na ipinasara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang bahagi ng Station 1 upang mahanap ang ‘kontrobersiyal na diaper’.
At ngayon nga ay puwede na ulit paliguan ang bahagi ng dagat matapos lumabas sa resulta ng coliform bacteria level test sa water samples na nasa safe level ito.
Ayon sa pamunuan ng Malay, Aklan, minsan talaga, “ang tawag ng kalikasan” ay hindi maiwasan. Kasabay nito ang paglilinaw na may dalawang public toilets malapit sa beachfront sa Stations 2 at 3, subalit ipinagiba umano sa pagpasok ng Boracay Inter-Agency Task Force.
Sana nga ay hindi na maulit ang insidenteng ito o anumang uri ng kababuyan.
Alalahanin natin na minsan nang inabuso ang Boracay Island at wala tayong nagawa kundi ang magsisi at maghintay na maisalba ito.




Comments