ORBETA, IBU-BULLSEYE ANG 3RD CHAMPIONSHIP SA SEA TOUR 2019


PAGSAPOL ng bullseye ang inaasahang muli ng Philippine darts sa husay ng mga bagong sibol na darters tulad ng pambatong tusukerang si Lovely Mae Orbeta.
Si Orbeta, na two-time Southeast Asia Tour 2019 champion ay kasalukuyang gumagawa ng ingay sa kanyang tagumpay sa international darts scene. “I’m looking forward to my next tournament in Malaysia this weekend. Sana manalo po uli,” pahayag ni Orbeta sa kanyang pagdalo sa 35th “Usapang Sports” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club sa Intramuros.
Si Orbeta, na Grade 9 student sa Lakandula High School sa Tondo, ay nagtitiwalang muli siyang mananalo laban sa mga kapwa magaling na kalaban at masungkit ang kanyang ika-tatlong dikit na panalo sa naturang Southeast Asian Tour. “Magagaling din po ‘yung mga kalaban ko doon, pero puspusan naman ang pagsasanay ko sa tulong ni coach Jeffrey Roxas,” dagdag ni Orbeta, na aalis pa-Malaysia ngayon para sa kompetisyong nakatakda ngayong weekend. Bagama’t abala sa pagsasanay sa darts, tiniyak ni Orbeta na hindi niya napapabayaan ang kanyang pag-aaral.
Nagpasalamat din si Orbeta sa kanyang sponsor, si Frida Morelos ng Amber’s Best, sa kanyang patuloy na pagtitiwala. (MC)





Comments