Mga isnatser, holdaper at akyat-bahay, ubos na, mga pulis na iskalawas, paubos na rin !
- BULGAR

- Aug 16, 2019
- 2 min read
BANTAY-SARADO raw ang Manaoag Church sa Pangasinan.
Iba na ang nag-iingat sa banta ng terorismo!
◘◘◘
BUKOD sa Pangasinan, maraming shrines o Simbahang-Katolika rin ang dinaragsa ng mga namamanata.
Kabilang ang siksikan sa Quiapo Church tuwing Biyernes at Redemptorist Church sa Baclaran tuwing Miyerkules.
Pero, kalmante lang ang mga deboto sa gitna ng ulat ng terorismo!
◘◘◘
KAMPANTE ang mga deboto dahil sa mga nagkalat na pulis na nagbabantay sa paligid at may tiwala silang nagtatrabaho ang mga ito ng 24/7.
Ito ang dahilan kaya kinilala ang NCRPO bilang Best Regional Police Office sa buong bansa sa katatapos na 118th Police Service Anniversary, kamakailan!
◘◘◘
SA itinagal-tagal nang panahon, ngayon lamang nakopo ng NCRPO ang naturang pagkilala.
Sobrang lawak kasi ng Metro Manila na binubuo ng 5 Police Districts na may 28,000 pulis.
Mahirap disiplinahin ang ganito kalaking teritoryo at maraming tauhan!
◘◘◘
BUMABA nang may 58 percent ang volume ng kriminalidad sa Metro Manila sa 3 taong termino ni P-Digong.
Aktuwal na nasaksihan ng mga taga-Metro Manila ang pagkawala ng holdaper sa dyip, taxi at bus bukod sa nabawasan ang ulat ng isnatsing o akyat-bahay!
◘◘◘
PARANG hindi natutulog si NCRPO Director General Guillermo Eleazar na agad sumusugod sa lugar ng insidente kahit pa ang mga parak o dating pulis ang nasasangkot sa krimen at iba pang kabulastugan.
Marami na siyang nasibak, nasuspinde at nakutusang iskalawags kaya nadidisiplina na ang kapulisan!
◘◘◘
ANG mahigpit na disiplina sa kapulisan ay nagreresulta ng magandang reputasyon at epektibong performance.
Ito ay kredito mismo ng Duterte administration kaya nananatiling mataas ang satisfactory at approval ng Malacañang!
◘◘◘
BAGAMAN, ikinakalat ang hindi beripikadong banta ng terorismo, patuloy na nagbabantay ang kapulisan.
Nagbalik na ang tiwala ng mamamayan sa kanila.
Ito ay kasabay ng epektibong kampanya kontra illegal drugs!
◘◘◘
NAPATUNAYAN ni P-Digong na ang mga gumagawa ng krimen ay ang mga adik at pusher.
Ang ilan sa mga nagtutulak at nagbibigay ng proteksiyon ay ang ilang tiwaling pulis, mababa man ang ranggo o mga heneral.
Pero, ang lahat ay niresolba ng pulisya —inaresto ang mga pusher—pulis man siya o hindi!





Comments