MAGPAPATIBAY NG PULSO ANG PINOY PINTOPPLERS SA WBWC

GUGULONG na ang kampanya ng halos 200 lady bowlers na kakatawan sa mahigit 30 bansa, kabilang na ang Pilipinas, simula Agosto 22 sa prestihiyosong 2019 World Bowling Women’s Championships sa palaruan ng South Point Bowling Plaza sa Las Vegas, Nevada.
Nag-aambisyong makahablot ang Pilipinas ng malaking bahagi ng centerstage sa kompetisyong magkakaloob ng gantimpala sa bakbakang singles, doubles, trio, team of 5 at masters. Sa tatag ng pulso nina Lara Posadas-Wong, Liza Del Rosario, Bea Hernandez, Rachelle Leon, Dyan Coronacion at Alexis Sy nakasalalay ang pagwagayway ng tatlong kulay ng bandila ng bansa. Matinding paggabay ang inaasahan mula kina Bong Coo (team manager), Engelberto Rivera (coach) at Josephine Canare (coach). Bitbit ng mga Pinay papunta sa malupit na kompetisyong isinasaayos ng World Bowling ang kinang ng mga kampanya sa loob at labas ng Pilipinas. Si Posadas-Wong sa kasalukuyan ang tumatrangko sa Asian Bowling Federation (ABF) Tour.
Sariwa rin siya sa pagkopo ng korona sa kanyang pinakaunang kampeonato sa ABF Tour nang mapagwagian ang Hong Kong Leg kamakailan. Bukod sa Pilipinas, kasali rin ang mga pintopplers mula sa mga powerhouse bowling countries na Hong Kong, Japan, Korea, Malaysia, Singapore, Sweden, Finland, England at ang host USA.





Comments