Hamon ng Palasyo sa publiko, MMDA, bigyan ng tsansa na masolusyunan ang trapik sa EDSA
- Ryan B. Sison
- Aug 15, 2019
- 1 min read

MARAMING pakulo at gimik na naisip ang mga kinauukulan para masolusyunan ang matinding trapik na hanggang ngayon ay ating nararanasan. ‘Yun nga lang, mukhang wala pa ring umubra sa mga ito dahil perhuwisyo pa rin para sa mga komyuter ang mabigat na daloy ng trapiko, partikular sa EDSA na madalas dinaraanan sa tuwing pumapasok ang marami sa opisina.
Gayunman, ayon sa Palasyo, dapat bigyan muna ng tsansa ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na makapag-eksperimento para matuldukan na ang isa sa mga pangunahing problema rito sa bansa.
‘Ika nga, tiis-tiis lang daw muna dahil darating din ang panahon na ito ay mareresolba. Pero huwag naman sanang gumawa ng solusyon na maaari ring pagmulan ng mga reklamo dahil kapag ganu’n palagi ang mangyayari, hindi talaga ito matutuldukan kahit ano ang gawin natin.
Samantala, kung hindi pa rin ito magkakaroon ng progreso, bukas naman ang pamahalaan sa mga suhestiyon at opinyon ng taumbayan kung saan maaari itong ipadala sa MMDA, Office of the President o sa tanggapan ng Palasyo.
Palagi nating tatandaan, ang problema ay natatapos kung lahat tayo ay magtutulungan at mahalaga rin na isipin ang kapakanan ng bawat isa, hindi lang ‘yung basta bira nang bira.
Oras na para tuldukan ang matinding trapiko sa bansa!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments