Sen. Bato, 'di raw tumatanggap ng malaking regalo, pero bakasyon-grande kasama ang pamilya, oks!
- BULGAR

- Aug 14, 2019
- 2 min read
INAMIN ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na madalas siyang tumanggap ng mga regalo noong siya pa ang PNP chief. Huwag daw maging plastik dahil bahagi raw ng kultura nating mga Pinoy ang mamigay ng ‘regalo’.
Madalas daw siyang pinadadalhan ng Lacoste na t-shirt, queso de-bola, prutas at iba pa sa kanyang opisina tuwing Pasko. Paano raw niya mapipigilan ang mga ‘yan? Dagdag pa niya, kung galing sa masamang tao ang regalo, ‘yun daw ang hindi tama, pero kung galing naman sa mabuting tao, wala raw masama.
Nasa konsensiya na lang daw kung tatanggapin ng pulis ang malalaking regalo tulad ng kotse at pera, iba na raw ‘yun. Kaya pala oks lang nang tanggapin niya ang pagpapadala sa kanya at pamilya niya sa Las Vegas ni Sen. Manny Pacquiao noong 2016 para makapanood ng laban at magbakasyon na rin. Mabait na tao raw si Sen. Pacquiao, kaya pala ng kanyang konsensiya na tanggapin ang ginastos ng senador para sa kanya na siguradong malaking halaga.
***
Hinimok ng Embahada ng China ang gobyerno na imbestigahang mabuti ang pagkamatay ni Yang Kang na nahulog mula sa ikaanim na palapag ng gusaling pinagtatrabahuhan nito. Nakaposas si Yang sa grills ng bintana ng gusali, pero nang nakalas niya ang grills para tumakas ay nahulog siya.
Ang kanyang supervisor umano ang nagposas sa kanya dahil sa pagkakautang. Chinese rin daw ang kanyang supervisor, samantalang, pinaghahanap na ngayon ng pulisya ang supervisor nito.
Naalarma raw ang Palasyo sa krimen kung saan dayuhan ang biktima, partikular ang mga Chinese, pero kung iisipin, kapwa Chinese rin ang nasa likod ng mga krimen.
Kung sasabihin ng Embahada ng China na dapat humarap ang mga salarin sa hustisya sa pamamagitan ng patas at masusing imbestigasyon, protektahan ang karapatan at interes ng mga Chinese sa bansa, dapat siguro, pagsabihan din ang kanilang mamamayan na huwag biktimahin ang sariling kababayan. Kapag nahuli ang mga salarin, daraan sila sa proseso ng hustisya ng Pilipinas, anuman ang kanilang lahi.





Comments