SAKIT SA PUSO AT MADALAS NA PAG-UBO, SANHI NG TUBIG SA BAGA


Dear Doc. Shane, May kamag-anak kami na namatay dahil sa pagkakaroon ng tubig sa baga. Ano ba ang sanhi nito? — Alma
Sagot Ang tubig sa baga o pulmonary edema ay kondisyon kung saan napupuno ng tubig ang baga ng tao.
Ang pagkakaroon ng sakit sa puso ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng tubig sa baga. Kapag ang pasyente ay may problema sa puso, mahihirapan itong magbomba ng sapat na dugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ang dugo ay naglalaman ng oxygen na ipinapasok ng katawan sa pamamagitan ng paghinga. Dinadala ang oxygen sa lahat ng bahagi ng katawan sa pamamagitan ng pagbomba ng dugo sa proseso ng sirkulasyon. Kapag may tubig ang baga ng pasyente, nahihirapan ito na kumuha ng sapat na oxygen. Ang mga sintomas ng sakit na ito ay lalala hangga’t hindi naaalis ang tubig.
Kapag may tubig ang baga, nagtatrabaho nang doble ang puso para makapag-supply ng dugo sa katawan. Ito ay nakadaragdag ng pressure sa maliliit na ugat sa baga. Para maibsan ang pressure, ang maliliit na ugat ay kailangang magpalabas ng tubig na naiipon sa baga.
Mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng tubig sa baga kapag:
• Dati nang nagkatubig sa baga • Nagkaroon ng sakit sa baga tulad ng TB at chronic obstructive pulmonary disorder o COPD • May sakit sa dugo • Madalas na pag-ubo • Tila may tunog (parang sumisipol) ang baga kapag humihinga • May kasamang dugo ang ubo • Nakararanas ng matinding pagpapawis ng katawan • May pamamaga ng mga paa • Mayroong sakit sa puso • Nakaranas ng biglaang pagtaas ng presyon ng dugo • May sakit sa baga na dulot ng matinding impeksiyon • Nakaranas ng atake sa puso o iba pang sakit sa puso • May sakit sa bato • May matinding impeksiyon sa dugo o sepsis • Pamamaga ng lapay o pancreatitis Tandaan, ang tubig sa baga ay maaagapan at nagagamot kung ito ay matutukoy nang maaga kaya makabubuting regular na magpa-check-up sa doktor.





Comments