MGA BATAS NA NAGBIBIGAY-BENEPISYO SA MALILIIT NA NEGOSYANTE

Dear Chief Acosta, Magandang araw! Nais kong malaman kung mayroon bang batas na nagbibigay ng mga benepisyo para sa maliliit na negosyo? — Louie
Dear Louie, Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay binigyang-linaw ng Republic Act No. 9178 o kinikilala bilang “Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs) Act of 2002.” Ayon sa Sections 7, 8 at 9 sa batas na ito, ang BMBEs ay negosyo na may kinalaman sa produksiyon, pagproseso o paggawa ng mga produkto, maging ang negosyong may kinalaman sa agro-processing at pagbibigay ng serbisyo kung saan ang halaga ng kabuuang pag-aari ng nasabing negosyo ay hindi hihigit sa tatlong milyong piso (Php 3,000,000). Hindi kabilang sa nabanggit na limitasyon ang halaga ng lupa kung saan matatagpuan ang opisina, planta at mga kagamitan ng negosyo.
Kaugnay nito, nakasaad din sa Seksiyon 5 (b) ng Republic Act No. 10644 o kinikilala bilang “Go Negosyo Act” na ang kuwalipikadong negosyo ay kailangang magparehistro bilang BMBE sa tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng Negosyo Center sa lungsod o munisipalidad kung saan ito matatagpuan at mabibigyan ng Certificate of Authority upang matamasa ang mga sumusunod na benepisyo ng batas: (1) exemption sa pagbabayad ng income tax mula sa operasyon ng negosyo; (2) exemption sa pagbabayad ng minimum wage sa mga empleyado, ngunit, ang mga nasabing empleyado ay may karapatan sa lahat ng benepisyo na nararapat sa regular na manggagawa; (3) pagkakaroon ng pagkakataong mangutang sa Land Bank of the Philippines (LBP), the Development Bank of the Philippines (DBP), the Small Business Guarantee and Finance Corporation (SBGFC), and the People’s Credit and Finance Corporation (PCFC) para sa pangangailangang pinansiyal ng BMBE.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.





Comments