‘Police visibility’ sa mga eskuwelahan, daragdagan | 500-1,000 kabataan, nare-recruit ng mga komunis
- BULGAR

- Aug 14, 2019
- 2 min read
PLANO ng gobyerno na dagdagan ang tinatawag na “police visibility” sa mga pampublikong paaralan para matigil na ang nangyayaring ‘recruitment’ ng mga komunista sa mga estudyante.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, pag-aaralan ng kanyang kagawaran ang kasunduan sa pagitan ng Philippine National Police (PNP), mga kolehiyo at unibersidad sa isyu ng pagdaragdag ng kapulisan sa mga eskuwelahan.
Sana ay bilisan ng DILG ang pagsusuri ng mga kasunduang ito para matigil na ang pagsira ng mga komunista sa kinabukasan ng maraming kabataan. Usap-usapan hanggang ngayon ang madamdaming testimonya sa Senado ng mga ina ng mga batang nabola at nakuha ng mga miyembro ng komunistang grupo tulad ng Anakbayan, League of Filipino Students at iba pa.
Nakalulungkot marinig mula sa ina na ang sanggol na pinalaki nila ay hindi umuuwi ng kanilang bahay, ayaw silang kausapin at tatawagin pa silang “kaaway”.
Ipinagkanulo nila ang kanilang mga magulang matapos malason ang kanilang isipan ng mga komunistang grupo matapos silang ma-recruit sa mga eskuwelahan na kanilang pinapasukan.
Ayon sa militar, ang nasabing mga grupo ay “front” lamang ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA). Layunin nilang maka-recruit ng kabataan para madagdagan ang bilang ng kanilang mga kadre na unti-unting nababawasan.
Ang masama, menor-de-edad ang kanilang tina-target sapagkat alam nilang madaling mahuhubog ang kanilang batang pag-iisip sa ideolohiya na paglaban sa gobyerno.
Tayong may edad na ay dumaan din sa panahong pagkabata kaya alam nating kapag bata ka pa, madali kang mapaniniwala ng mga romantikong ideya tulad ng rebolusyon o pagbabago ng lipunan.
May idealismo pa ang mga bata at nasasamantala ito ng mga komunistang recruiter. Pero, ano ba ang mangyayari sa kabataang sumasali sa mga komunistang organisasyon? Malilihis sila ng landas dahil iniiwanan nila ang kanilang pag-aaral para lang sumama sa mga rally at protesta laban sa gobyerno at sa huli ay mamumundok sila para maging NPA.
Talagang masisira ang kanilang buhay kapag ginawa nila ito. Malamang ay mamamatay sila kung hindi sa engkuwentro, baka kapwa komunista mismo ang papatay sa kanila, sa mga “paglilinis” na ginagawa ng CPP-NPA sa kanilang pangkat.
Ayon kay Sec. Año, mahigit 500 hanggang 1,000 kabataan ang naiindoktrina ng CPP-NPA bawat taon. Ang mga ito ay nagiging miyembro ng NPA o babalik sa kanilang mga eskuwelahan bilang militanteng lider ng mga estudyante.
“Binabaluktot ng mga komunista ang nasyunalismo para turuan ang mga bata na pumatay at humawak ng baril para labanan ang gobyerno,” sabi ni Sec. Año.
“Ang nangyayari ngayon ay maraming eskuwelahan ang napapasok ng CPP-NPA sa pamamagitan ng kanilang ‘front’ na organisasyon. Ang mga grupong ito na nasa loob ng mga eskuwelahan ang dapat nating bantayan,” dagdag pa niya.
Nabansagan nang “terrorist organization” ang CPP-NPA matapos ang sunud-sunod nitong pagpatay ng mga pulis, militar at lokal na opisyal. Ambisyon ng mga ito na pabagsakin ang ating demokrasya at gobyerno.
Walang magulang ang papayag na sumali sa kriminal na grupo ang kanyang anak dahil alam niyang kamatayan o pagkakulong ang kahihinatnan ng kawawang bata.





Comments