Regulasyon sa paggamit ng computer shops ng mga menor-de-edad, isulong!
- BULGAR
- Aug 13, 2019
- 2 min read

SA panahon ngayon, kasama ang gadget at internet sa pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral upang sila ay masanay na maging computer literate, makakuha ng impormasyon para sa pagsasaliksik o proyekto at upang makasabay sa bilis ng pagbabago ng teknolohiya.
Ngunit, dapat ay mayroon ding limitasyon sa paggamit nito, lalo na tuwing oras ng klase.
Tulad ng mga nauulat na pagtaas ng bilang ng mga estudyanteng hindi pumapasok sa klase o nagka-cutting classes dahil sila ay pumupunta sa computer shop o internet café habang nasa class hours.
Hindi lamang sa iisang lugar nangyayari ito kundi maging sa iba’t ibang lungsod din na mayroong dikit-dikit na computer shops.
Dalawa ang pangunahing rason kaya pumupunta sa computer shop ang mga estudyante, una, maaaring wala silang computer, walang internet o mahina ang connection sa kanilang bahay upang gawin ang kanilang assignment o mag-research at ang pangalawa ay para maglaro ng online games.
Mas maigi sana kung ang bawat paaralan ay may sapat na bilang ng computers o internet access upang hindi na nila kailanganing lumabas para tapusin ang kanilang school requirements sa computer shop dahil nakokompromiso ang kanilang pag-aaral sa loob ng klasrum.
Noon pa man ay nangyayari na ang mga ganitong nakalulungkot at nakaaalarmang sitwasyon. Matagal na nating itinutulak sa Senado ang panukalang-batas na Senate Bill No. 728 o Internet Café Regulation Act.
Kapag naisabatas na ito, hindi na papayagang makapasok ng mga may-ari at nagpapatakbo ng computer shop ang mga menor-de-edad habang nasa oras ng klase mula Lunes hanggang Biyernes.
Nakasaad sa panukala na ang mga menor-de-edad ay hindi papayagang tumambay, maglaro ng offline at online games at gumamit ng internet sa computer rental shop habang nasa oras ng klase sa loob ng school calendar days.
Pagbabawalan din ang kanilang pamamalagi mula alas-7:00 ng gabi hanggang alas-7:00 ng umaga kinabukasan tuwing weekends, holidays, nakanselang klase at bakasyon.
Sa pamamagitan ng panukalang ito, mapoprotektahan natin ang mga kabataan mula sa kapahamakan at kapabayaan sa pag-aaral sa pamamagitan ng paghihigpit sa regulasyon.
Sa mga magulang at guro, mainam na maging mapagmatiyag sa mga pangangailangan ng mga kabataan. Hangad nating mapanatiling bukas ang komunikasyon at kumustahin ang kanilang pag-aaral.
Kung napapansing hindi nakagagawa ng homework, project o nakapagre-review at puro laro o social media ang pinagkakaabalahan, bigyan sila ng limitasyon upang mabalanse ang kanilang oras sa lahat ng gawain at aktibidad.
‘Ika nga, may panahon para sa lahat ng bagay. May nakatakdang-oras para sa pag-aaral at may nakalaang oras din sa paggamit ng teknolohiya.
Mahalagang pangalagaan natin ang kapakanan, seguridad at kinabukasan ng mga kabataan.
Kaya naman, hindi natin hahayaang maipagsawalambahala na lamang ang nangyayaring cutting classes sa mga paaralan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentarios