Palasyo sa pulis at sundalo | HALAGA NG TATANGGAPING REGALO, KAYO NANG BAHALA
- Mylene Alfonso
- Aug 13, 2019
- 1 min read

IPINAUUBAYA na ng Malacañang sa mga pulis o sundalo ang diskresyon kung gaano kalaki ang halaga ng tatanggaping regalo bilang token o pasasalamat sa serbisyo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na basta ang regalo ay nominal lamang o hindi masyadong malaki ang halaga at hindi hiningi o kinotong ng pulis kapalit ng serbisyo.
“What is important is hindi ‘yun ibinigay in anticipation of a favor coming from the recipient or in exchange of a favor from the recipient which is a police officer,” sabi ni Panelo.
“Dapat ‘di nila tatanggapin kung masyado naman malaki,” wika pa ng opisyal kung saan maituturing umano ito na token.
Ayon kay Panelo, kung may magreklamo ay bahala na rito ang korte na magdetermina sa maaaring pagkabag ng tumanggap na pulis.
Dagdag pa ni Panelo na bahala na ang Kongreso na mag-amyenda sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act para magtakda ng limitasyon sa halaga ng regalong maaaring tanggapin ng pulis o sinumang government official.
Una nang umani ng negatibong reaksiyon ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang problema kung tatanggap ng regalo ang mga pulis dahil hindi naman ito suhol.





Comments