Kita sa palad... BABAENG PAKAKASALAN NG BF KAHIT TUTOL ANG MGA UTOL
- BULGAR

- Aug 13, 2019
- 3 min read

KATANUNGAN
May boyfriend ako ngayon na Virgo habang ako ay Taurus. Alam kong compatible kami dahil sabi ninyo, ang Taurus at Virgo ay parehong nagtataglay ng “elementong earth o lupa.”
Matagal na akong sumusubaybay sa inyong mga artikulo, kaya medyo may alam na ako tungkol sa compatibility. Ang problema, tutol sa akin ang mga kapatid ng BF ko dahil hindi ako tapos ng kolehiyo, samantalang, ang pamilya nila ay puro nakatapos ng pag-aaral.
Nais kong suriin ninyo ang aking mga palad kung kami na ba ang magkakatuluyan? Kasi sabi niya, kahit daw tutol sa pag-iibigan namin ang mga kapatid niya, wala raw silang magagawa kasi siya ang masusunod at magpapasya.
Kaya sa susunod na taong 2020 ay balak na naming magpakasal at okay daw ito sa mga magulang niya na parehong nasa abroad ngayon.
KASAGUTAN
Walang nakikitang problema, lalo na sa pag-aanalisang pang-zodiac dahil tama ka, Andrea, sadyang compatible talaga ang zodiac sign mong Taurus at Virgo ng boyfriend mo dahil kapwa kayo pinaghaharian ng elementong earth o lupa.
Ang nakatutuwa pa rito, iisa lang ang malinaw at magandang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kahit na may hadlang sa inyong relasyon ng boyfriend mo, kumbaga sa panahon, “maliliit na ambon lang ‘yan” at “hindi malakas na ulan o bagyo”. Kaya tulad ng nasabi na, kahit tutol pa ang mga kapatid ng boyfriend mo sa inyong pag-iibigan, tama siya, wala silang magagawa kung ikaw ang kanyang mahal at ipinasya niyang ikaw ang gusto niyang pakasalan at makasama, habambuhay.
Ang pag-aanalisang kayo na ang magkakatuluyan at sa parte mo ay walang itatalang problema ay madaling kinumpirma ng lagda mong maayos at suwabeng-suwabeng isinulat, hindi nababoy, naburara at wala ring guhit na bumabalik sa direksiyong pakaliwa na nagpapahiwatig na hindi ka man nakatapos ng pag-aaral, sa totoo lang, mataas ang iyong “I.Q.” at maging sa praktikalidad na katalinuhan, posibleng talo mo pa ang boyfriend mo at ang mga kapatid niya kung halimbawang bibigyan kayo ng eksaminasyon. Magaling lang sila sa academics sa kanilang natapos na kurso, pero alam nating lahat, “magkaiba ang academic excellence” sa tunay na wisdom o karunungan.
Sa totoo lang, kahit hindi ka nakatapos ng pag-aaral ay may taglay kang likas na talino.
Kahit marami talagang nakatapos ng pag-aaral, hindi naman lahat ay matalino.
Tunay ngang magkaiba ang matalino sa magaling mag-English. Akala kasi nu’ng iba, porke magaling mag-English ay matalino na. Hindi ganu’n ‘yun!
Sa halip, maraming hindi marunong magsalita ng “English” ang matatalino, lalo na sa Germany at Japan at siyempre, marami ring ubod nang yabang magsalita ng English, pero ang totoo ay walang aktuwal na karanasan sa iba pang parte ng buhay.
Sa susunod na mga araw, ipaliliwanag ko sa inyo ang pagkakaiba ng “wisdom, knowledge, general information, current events, academic excellence, I.Q. at iba pa, para maunawaan ninyo kung sino talaga ang tunay na matalino at nagtatali-talinuhan lang.
MGA DAPAT GAWIN
Tunay ngang wala kang dapat ikapangamba, Andrea, kahit sabihin pang undergraduate ka ng college habang ang pamilya ng boyfriend mo na maaari mong mapangasawa sa hinaharap ay puro nakatapos ng pag-aaral dahil ang totoo, tulad ng naipaliwanag na sa itaas, “walang kaugnayan ang academic accomplishment” sa tunay na karunungan at katalinuhan ng tao at wala ring kaugnayan ang pagkakaroon ng diploma sa college sa mahusay at mabait na pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang.
Tandaang, bukod sa walang kaugnayan ang academic accomplishment sa likas na katalinuhan ng tao, wala lalong kaugnayan kung tapos ng pag-aaral o hindi ang babae o lalaking matagal nang iginuhit ng tadhana sa iyong palad upang makasama mo, habambuhay.
Ayon sa iyong mga datos, hadlangan man ng mga kapatid ng boyfriend mo ang inyong relasyon at kahit sabihin pang tutol ang buong barangay, wala silang magagawa sa nakatakda kung saan sa taong 2020 matutuloy na ang binabalak ninyong pagpapakasal at sa edad mong 28 pataas, mapapangasawa mo na ang kasalukuyan mong boyfriend upang tuluyan na kayong magsama, habambuhay at nang umunlad at maging maligaya ang bubuuin ninyong pamilya.




Comments