LUMALAKAS ANG PUSO SA LARO NG LADY VOLCANOES
- Eddie M. Paez, Jr.
- Aug 12, 2019
- 1 min read

NAGPAKITA ng magandang porma ang Pilipinas para sa paghahanda nito sa nalalapit na Southeast Asian Games sa pamamagitan ng pagpapabagsak sa dalawang magkaibang katunggali upang makasabay sa malupit na trangko at makapasok sa championship round sa ginaganap na 2019 Asia Rugby Women’s Trophy Series sa Jakarta, Indonesia.
Umangkla ang Lady Volcanoes sa tikas nina Aiumi Ono, Aldee Denuyo, Patrocinia Grace Duffy, Sylvia Tudoc, Jacqueline Mae Lyden, Helena Indigne, at Lillian Christina Smith sa pambobokya sa Qatar, 27-0. Pagkatapos nito, tinuruan nila ng leksyon ang Laos, 24-0, sa bakbakan sa Pool B noong Sabado. Makasasagupa sa susunod na yugto ng mga bata ng Philippine Rugby Football Union (PRFU) management na sina Tara Long, Lalaine Bacus, Chris Everingham at head coach Fitz Taua’a ang Pool A topnotcher na India at Pool C ruler na Indonesia.
Kagaya ng Pilipinas, dalawang panalo rin ang naiposte ng India sa Pool A. Ang mga ito’y nailista kontra sa Chinese-Taipei (34-0) at Guam (29-14) samantalang ang South Korea (24-12) at Bangladesh (41-0) ang mga iwinasiwas ng Indonesia sa Pool C. Nahulog sa consolation round (tinatawag ding championship plate round) ang Guam, Laos at Korea dahil sa madungis na rekord. Puntirya ng Pilipinas sa torneo ang paigtingin pa ang pangkampeonatong porma nito bilang paghahanda sa SEAG. Plano rin nilang mahigitan ang bridesmaid finish na naitala noong nakaraang taon. Noong 2018, kumamada ng limang mga panalo ang bansa (Malaysia 7-10; Uzbekistan 12-10; India 17-12; Pakistan 31-0; Nepal 43-0 at Guam 10-7) bago ito kinapos sa championship round sa harap ng Malaysia, 7-10).





Comments