top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Boracay, nilinis na, balik sa dati, basura everywhere ulit!

Ryan B. Sison
Aug 11, 2019
2 min read

Matapos sumailalim sa ilang bu­wang rehabilitasyon, muling nalinis at naibalik ang ganda ng Boracay Island kung saan nakatanggap ito ng maga­gan­dang komento mula sa mga turista at bakasyunista.

Dahil dito, muling dinagsa ang Isla ng Boracay ngunit, pagkalipas lang ng ilang buwan, mukhang balik na naman ito sa dati.

Isang balikbayan ang nagparating sa atin ng ilang concern niya matapos ang pagbisita sa naturang isla, kamakailan.

Imbes na mapuri ang isa sa mga iti­nuturing na tourist destinations sa Pili­pinas, tila napasong inilahad nito ang ilang hindi magagandang karanasan sa isla na may kaugnayan sa kondisyon ng daanan at kalinisan nito.

Ayon sa balikbayan, kapansin-pansin umano ang pananamantala ng ilang es­tablisimyento at maliliit na negosyante sa pamamagitan ng mga overpriced na pagkain at souvenirs kung saan pati si­lang mga kababayan mismo ay nabik­tima rin.

Dagdag pa niya, halos lahat ng paligid sa isla ay puro basura, gayundin ang da­lampasigan at kung ilarawan niya ito, mas malinis na umano ang Divisoria kay­sa sa Boracay Island.

Sa halip na mag-picture-taking para maging memorable ang kanilang ba­kasyon, huwag na lang dahil sa hindi kaaya-ayang paligid.

Sa rami ng bumibisita rito, posible talagang magkaroon ng kalat at basura sa paligid, pero kung magiging disipli­na­do ang mga turista, maiiwasan ang pagdami nito.

Huwag na nating hintayin na muling ipasara ito para maibalik ang ganda at kaayusan. Kaya panawagan sa mga ki­nau­ukulan, aksiyunan ang karumihan sa isla at pananamantala sa mga bakas­yunista.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page