Mga senyales ng pagbubuntis
- BULGAR
- Aug 10, 2019
- 1 min read

Dear Doc. Shane,
Ilang linggo nang delayed ang menstruation ko. Nakararanas ako ng mga kakaibang pagbabago sa katawan tulad ng unti-unting paglaki ng aking suso. Natatakot akong baka buntis ako dahil kabe-break lang namin ng ex ko. Ano ba ang mga posibleng senyales ng nagdadalantao? — Maecy
Sagot
Ang isa sa pinakamaaasahang indikasyon kung buntis ang babae ay ang paggamit ng pregnancy test. Ang pregnancy test ay maaaring gamitin nang 2-3 linggo matapos ang pakikipagtalik o kaya ay sa nakatakdang araw na dapat magkaroon ng regla ngunit, hindi dumating.
Narito ang ilan sa mga senyales ng pagbubuntis:
pagtigil ng menstruation o regla nang mahigit sa anim na linggo
pakiramdam ng pagkabuntis (lalo na sa mga babaeng nabuntis na dati)
pagsusuka at pagkahilo na kadalasang nangyayari mula 2-8 linggo matapos ang pagtatalik
pamamaga at paglaki ng mga suso
pagdalas ng pag-ihi
pagkapagod
pagkakaroon ng stretch marks
pakiramdam ng paggalaw sa loob ng tiyan
paglaki ng tiyan
Gayunman, kung mapapansin ninyo, ang ‘definite signs of pregnancy’ o mga siguradong senyales ng pagbubuntis ay maaari lamang malaman sa pamamagitan ng pagpapakonsulta. Kung may nararamdaman kayong alinman sa mga posible o maaaring senyales ng pagbubuntis, kumonsulta sa OB-Gyne para masubaybayan at mabigyan kayo ng tamang gabay tungkol sa inyong pagbubuntis.
Comentários