TIYAK NA ANG KARATEKAS SA SEA GAMES HONORS
- BULGAR

- Aug 9, 2019
- 2 min read

PAKAY ng Karate Pilipinas Sports Federation, Inc. (KPSFI) na mahigitan ang naging performance nila sa Malaysia sa 30th SEA Games. Nakakuha ang Pilipinas ng 3 silver medals galing kina John Paul Bejar (-55kg), Jayson Macaalay (-60kg) at Rexor Tacay (-67kg) at apat na bronze medals mula kina Fil-Japanese Juna Tsukii (-50kg), Mae Soriano (-55kg), James Delos Santos (men’s individual kata) at women’s team kumite na sina Tsukii, Soriano, Erica Celine Samonte at Kimverly Madrona noong 2017 SEAG sa Malaysia.
Bagama’t wala pang final line-up ang karatedo team, tiniyak ni KPSFI president Richard Lim na kasama ang tatlong silver medalists sa mga sasabak sa torneo na gagawin dito sa bansa sa Nobyembre 30-Disyembre 11. “Our coaching staff will select the athletes who will be included in the line-up but those who won the silvers in Malaysia are assured of slot in the team,” pahayag ni Lim sa Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) Forum sa National Press Club kahapon na suportado ng Philippine Sports Commission, PAGCOR at live via FB Glitter.
Marami aniyang international exposures ang mga atleta. Ang kata (form) team ay nasa Osaka, Japan samantalang ang kumite (sparring) team ay aalis sa Setyembre 1 pa-Turkey para sa one-month training at pagsali sa Turkish Open. Kamakailan lang ay nakakuha ang Pilipinas ng 19 gold, 8 silver at apat na bronze medals sa 39th Karatedo Goju-kai International Championship sa Singapore.
Samantala, sasali rin ang mga national athletes sa 7th Karatedo Goju-kai Asia-Pacific Championship sa Lapu- Lapu City, Cebu mula Setyembre 27-Oktubre 1. Mahigit 700 atleta mula sa 16 bansa ang lalahok sa kompetisyon na gagawin sa Hoops Dome. Magkakatuwang ang Philippine Sports Commission, Cebu Provincial Government, Lapu-Lapu City Government, Department of Tourism Region 7 at KPSFI sa hosting ng torneo. (MC)





Comments