Sobrang hapi o lungkot, nakaka-migraine


Dear Doc. Shane,
Mahigit tatlong taon na akong nagtatrabaho bilang sekretarya at nitong mga nakaraang linggo, madalas ang pagsakit ng aking ulo na para akong naduduwal. Uminom ako ng pain reliever, pero parang walang talab. Ito ba ang tinatawag nilang migraine? Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol dito? — Jessica
Sagot
Ang migraine o matinding pananakit ng ulo ay karaniwang neurological na sakit na kadalasang may kaakibat na pagkahilo at pakiramdam na pagsusuka o nausea.
Ayon sa mga naunang pag-aaral, ang paninikip o paglaki ng mga daluyang ugat sa utak ang siyang nagdudulot ng migraine. Ngunit, may ilang pag-aaral din na nagsasabing ito ay dulot ng mga kemikal na inilalabas ng utak na nakaaapekto sa galaw ng mga daluyang ugat na nakapalibot dito. Ito rin ay maituturing na sakit na namamana o hereditary disorder.
Ang pasyenteng nakararanas ng migraine ay may 50% posibilidad na makapagpasa ng sakit sa kanyang anak. Kung ang parehong magulang naman ang may sakit, 75% ang posibilidad ng pagpasa sa kanilang anak.
Ang ilang maituturing na trigger sa pagsimula ng migraine ay ang mga sumusunod:
Emotional stress. Ang matitinding emosyon tulad ng pagkabalisa, pag-aalala, labis na kalungkutan o sobrang kagalakan ay maaaring magdulot ng emotional stress. Dahil dito, maaaring maglabas ng kemikal ang utak na sanhi ng pananakit ng ulo.
Kemikal sa pagkain. May ilang pagkain at inumin tulad ng alak at preserved food ang nagtataglay ng mga kemikal tulad ng nitrates at monosodium glutamate na nakapagpapasimula ng migraine.
Caffeine. Ang sobrang caffeine na nakukuha, partikular sa kape at energy drinks kapag natapos na ang epekto ay maaaring makapagdulot ng pananakit ng ulo.
Pagbabago ng panahon. Ang pabagu-bagong panahon ay nakapagdudulot ng pag-iiba-iba ng temperatura ng katawan na malaki ang epekto kaya sumasakit ang ulo.
Matinding pagod o sobrang stress. Ang madalas na pagsakit ng ulo ay maaaring dulot ng pangangailangan ng katawan ng sapat na pahinga.





Comments