LABOG AT VILLA, SAMPA SA PODIUM NG THAI RAPID CHESS
- Eddie M. Paez Jr.
- Aug 9, 2019
- 1 min read

HUMARUROT papunta sa kani-kanyang trono sina Eric Labog Jr., Al-Basher Buto, Srihaan Poddar at Ma. Elayza Villa ng Pilipinas sa pagbaba ng telon ng bakbakang rapid chess ng 4th Eastern Asia Youth Chess Championship sa Asia Hotel ng Bangkok, Thailand.
Kuminang ang 6 puntos at mataas na tiebreak points ni Labog sa pangunahing kategorya na Boys Under-18 para sa isang 1-2-3-4 wind-up ng mga Pinoy chessers. Pumangalawa si Blitz titlist at International Master Daniel Quizon habang nakuha ni FIDE Master Stephen Rome Pangilinan ang huling upuan sa podium.
Nasingitan ni Buto para sa titulo ng Boys U-10 si Malaysian pride Hong Jun Lai. Kapwa sila nakapagsumite ng 6 puntos, pero ang tiebreak ay pumabor sa Pinoy. Sa bakbakan ng mga apisyonado sa Boys U-12, kumamada si Poddar ng 6.5 puntos habang si Lemuel Jay Adena ay umiskor ng 6.0 puntos para sa 1-2 finish ng Pilipinas.
Sa kabilang dako, si Villa ay nagkampeon sa pangunahing grupong G-16 at G-18 sa kababaihan matapos makapagtala ng 5.5 puntos. Si Indonesian ace Woman FIDE Master Christine Elisabeth ay nakuntento sa 2nd place dahil sa mas mababang tiebreak output samantalang isa pang Pinay, si Jerlyn Mae San Diego, ang nakasikwat ng 3rd place sa podium sa 5 puntos para sa 1-3 showing ng bansa.





Comments