QUIZON, CONCIO, NOURI AT 2 PA, MATIBAY PA RIN

LIMANG kategorya sa standard chess ang napipintong mapanalunan ng mga woodpushers ng Pilipinas dahil lima sa kanila ang may tangan pa ng liderato dalawang round na lang ang natitira sa 4th Eastern Asia Youth Championships sa palaruan ng Asia Hotel sa Bangkok, Thailand.
Pinabagal si International Master Daniel Quizon ng isang draw pero hawak pa rin niya ang solong pangunguna sa Boys U16 na pangkat bitbit ang 6.5 puntos pagkatapos ng pitong rounds. Kalahating puntos sa likod niya ang kababayan at pumapangalawang si Michael Concio Jr. habang nasa 3rd ang isa pang binatilyong Pinoy na si FIDE Master Alekhine Nouri na nakaipon ng 5.5 puntos.
Si Ruelle Canino, na tulad ni Quizon ay umakyat sa trono ng sagupaang blitz, ang bumabandera sa pangkat ng mga kababaihang may edad 12 pababa dala ang kartadang 6 puntos. Kasama rin sina Boys U10 Al-Basher Buto sa mga posibleng magkampeon dahil sa naipong 6 puntos. Pero kailangan niyang ipagpag ang karibal mula sa Indonesia na si Pamungkas Arjuna Satria na may kapareho ring iskor sa tunggaliang inoorganisa ng Thailand Chess Association.
Hindi rin malayo sa golden wind-up si Chester Gladimir Romero na nangunguna sa Boys U12 dahil sa naipuslit na 6.0 puntos at si Girls U10 Angela Franiel Magpily na kahati sa paghawak sa trangko si Mongolian Urangoo Gurvanbaatar. Kapwa may 5.5 puntos sina Magpily at Gurvanbaatar.





Comments