Nominasyon ni Cardema, ibinasura ng Comelec

MABUTI naman at nalinawan na ang Comelec First Division hinggil sa nominasyon ni ex-National Youth Commission (NYC) Chairperson Ronald Cardema bilang first nominee ng Duterte Youth Partylist.
Ayon sa desisyon, masyado na raw matanda o wala na sa age requirement si Cardema para maging kinatawan ng kabataan. Sa pahayag ng Comelec, misrepresentation daw ang isyu laban kay Cardema. Sa batas, malinaw na ang kinatawan ng kabataan ay dapat mula edad 25 hanggang 30 lamang, si Cardema ay 34 years old na kaya nakapagtatakang nagpupumilit talaga ito sa posisyon, gayung alam naman niya ang batas.
Matatandaan, tumutol nang husto si Commissioner Rowena Guanzon noong pumayag ang Comelec sa nominasyon ni Cardema. Mabuti na lang at hindi tumigil ang ilang grupo na naghain ng petisyon para kanselahin ng Comelec ang nominasyon ni Cardema. Napakalinaw ng batas hinggil sa edad, samantalang, inamin din ng abogado mismo ni Cardema na hindi siya propesyunal at hindi nakapagtapos ng kolehiyo. Ang mga kuwalipikasyong ito ang hinahanap sa isang kinatawan.
Sana ay tuluyan nang ibasura ang nominasyon nito para matapos na rin ang isyu.
◘◘◘
Nagsalita na ang Philippine Navy, may plano kasing i-develop ang tatlong isla sa bansa ng mga Chinese businessman — ang Fuga, Chiquita at Grande Islands.
Ang karagatan sa paligid ng Fuga Island ay lokasyon ng mga kable ng telekomunikasyon bukod sa mahalaga itong daanan para sa mga naglalayag patungong Pacific Ocean at South China Sea, samantala, ang Chiquita at Grande Islands ay nasa bukana ng Subic Bay na dating base ng mga Amerikano na mahalaga rin ang lokasyon dahil napakalapit nito sa Panatag Shoal kung saan may ‘isyu’ ang Pilipinas at China.
Ayon sa Philippine Navy, hindi sila kinonsulta tungkol sa pagbibigay ng authority sa mga negosyanteng Chinese na magplano rito kung saan nais itong gawing destinasyon ng mga turista at iba pa.
Hindi rin daw alam ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang nasabing proyekto. Hinihiling ng Navy na isipin ang implikasyon sa seguridad ng bansa kung itutuloy ang mga proyekto. Hindi malabong madagdagan pa ang bilang ng mga Chinese sa bansa kaya kung nais higpitan ni DFA Sec. Teodoro “Teddy Boy” Locsin, Jr. ang pagbibigay ng visa sa mga papasok na banyaga sa bansa, partikular sa mga Chinese, gawin na!
Samantala, bibisita na naman daw si Pangulong Rodrigo Duterte sa China ngayong buwan. Ito na ang panlimang beses niya sa China sa loob ng tatlong taon. Malapit talaga siya sa China kaya siguro nakakakuha ng mga ganyang proyekto ang China.





Comments