Ayaw makipaghiwalay | BEBOT PINATAY, ITINAPON SA PALAISDAAN

ARESTADO ang isang lalaki matapos aminin na siya ang pumatay sa karelasyon bago itinapon sa palaisdaan sa Valenzuela City.
Kinuha ng mga tauhan ng Valenzuela Police Station sa rehabilitation center sa Mabalacat, Pampanga sa pangunguna ni P/Major Jose Hizon ang suspek na si Godofredo Perdigun, 47, ng Bgy. Pasolo, Valenzuela City na nahaharap sa kasong murder.
Isinagawa ni P/Corporal Ryan Alburo ang extrajudicial confession, kaharap ang abogado ng akusado at kinatawan ng rehabilitation center. Inamin ng suspek na siya ang pumatay sa pamamagitan ng pagsaksak sa leeg at kilikili kay Rosalie Mission Sagal, 43, bago isinilid sa plastic bag saka itinapon sa palaisdaan sa Bgy. Pasolo, Valenzuela City noong July 21.
Para itago ang krimen, July 26 nang magtungo sa rehabilitation center sa Pampanga para ipagamot ang sarili. August 3 nang makita ang labi ng biktima sa naturang palaisdaan na kinilala ng kanyang mga kaanak. Sinasabing June 20 pa nawawala ang biktima.
Ayon sa suspek, kaya niya napatay ang biktima dahil ayaw umanong makipaghiwalay sa kanya habang sinabi naman ng kaanak ng babae na tinakot lang ito ni Perdigun kaya sumama ito sa kanya.





Comments