Kinatawan ng Duterte Youth Partylist | NOMINASYON NI CARDEMA, IBINASURA NG COMELEC

KINANSELA ng Commission on Elections (Comelec) 1st Division ang nominasyon ni dating National Youth Commission (NYC) Chairperson Ronald Cardema bilang kinatawan ng partylist group na Duterte Youth para sa 18th Congress.
Sa desisyon ng Comelec First Division, sa botong 2-0 ay kinansela ang nominasyon ni Cardema bilang first nominee ng nasabing partylist.
Sina Comelec Commissioners Rowena Guanzon at Marlon Casquejo ay bumoto para kanselahin ang petisyon ni Cardema.
Hindi naman nakaboto ang ikatlong miyembro ng dibisyon na si Commissioner Al Parreño na wala sa bansa dahil sa official business.
Nabatid na ang petisyon laban kay Cardema ay inihain ni election lawyer Emil Marañon, na nagpahayag naman ng katuwaan sa desisyon ng poll body.
Matatandaang, nag-withdraw ng kanilang nominasyon ang mga nominado ng Duterte Youth sa pangunguna ng asawa ni Cardema at naghain naman ng substitution si Cardema noong bisperas ng May 13 National Elections.
Alinsunod sa isinasaad ng Partylist System Act, ang kinatawan ng youth sector ay dapat hindi lalagpas sa 30 taong gulang, sa araw ng halalan. Si Cardema ay 34-anyos.





Comments