Bumagsak sa Naval Architecture, 1 taon pa bago makapag-exam uli

Dear Chief Acosta,
Pangatlong beses nang kumuha ng pagsusulit ang aking pinsan para kuwalipikadong mag-practice ng naval architecture, subalit, sa kasamaang-palad ay hindi siya pumasa. Noong nag-apply siya ulit ay hindi na siya pinayagan dahil kinakailangan daw niyang maghintay muna ng isang taon bago siya muling kumuha ng pagsusulit. Tama ba ito? — Zane
Dear Zane,
Para sa iyong kaalaman, ang iyong suliranin ay tinatalakay sa Republic Act (R.A.) No. 10698 o Naval Architecture Law. Nabanggit sa Section 17 ng nasabing batas na:
“SECTION 17. Reexamination. – An applicant who fails to pass the examination for the third time shall be allowed to take another examination only after the lapse of one (1) year.”
Malinaw na nabanggit sa batas na kapag ang aplikante sa pagsusulit para sa licensure examination para maging kuwalipikado na mag-practice ng naval architecture ay hindi pumasa sa pangatlong pagkakataon, kinakailangan na niyang maghintay ng isang taon bago pa man siya makakuhang muli ng pagsusulit para rito.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.





Comments