2,000 illegal vendors sa P’que, ipagpapatayo ng sariling palengke
- Ryan B. Sison
- Aug 6, 2019
- 1 min read

MARAMING nagtitinda sa bangketa ang masasabi nating sagabal talaga sa kalsada dahil imbes na may madaanan ang tao, pahirapan pati ang mga sasakyan.
Gayunman, good news para sa 2,000 illegal vendors sa Parañaque dahil ayon sa pamahalaan ng lungsod ay tatayuan sila ng sariling palengke na puwede nilang mapuwestuhan.
Inaprubahan na ng Metro Manila Council ang plano para sa “people’s market” na itatayo sa “cement slab” na ipapatong sa ibabaw ng kanal na may sukat na 60x300 metro sa Roxas Boulevard.
Maglalagay din umano ng loading and unloading zone, overhead pedestrian crossing at parking lot sa palengkeng target matapos ng pamahalaan ngayong taon.
Samantala, habang hindi pa naisasapinal ang proyekto, pinakiusapan na ang mga commercial establishment sa lungsod na maglaan ng espasyo para sa mga street vendor at nakahanap na ng 1,000 puwesto ang pamahalaan at target nilang makumpleto ito ngayong linggo.
Pero, ang panawagan natin sa mga nais magnegosyo, bagama’t, madalas na kayong bigyan ng konsiderasyon at tulungan ng gobyerno, huwag sanang iasa na lang sa mga ito ang pagiging disiplinado.
Kung ipinagbabawal, huwag nang matigas ang ulo dahil para rin ito sa kapakanan ng publiko.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments