Mon Tulfo, pabigat na, panira pa kay P-Digong

KAPAG umuulan, talagang bumubuhos ito nang todo.
Ito ngayon ang nararanasan ng magkakapatid na brodkaster!
◘◘◘
SUMASABIT ngayon ang isa sa mga Tulfo Brothers na si Ramon Tulfo matapos sampahan ng kasong libelo ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
Delikado ang panganay ng mga Tulfo kasi alter-ego mismo ni P-Digong ang nagsampa ng kasong libelo laban sa kanya.
Itinuturing na isa si Medialdea sa pinakatahimik, mabait at epektibong ayudante ni P-Digong.
Pero, napikon na rin ito sa brodkaster!
◘◘◘
PATULOY ang pagtatatwa ni Tulfo sa kanyang pagkakamali imbes na humingi ng paumanhin.
May kaugnayan ito sa artikulo na inilathala sa malaking pahayagan noong July 25, 2019 na, “Self-purgation should start with the Cabinet” kung saan direktang tinukoy ni Tulfo si Medialdea.
Ayon kay Medialdea, “Malicious imputations of crimes and dishonorable acts in the said article, which assassinated my character and good reputation.”
◘◘◘
MATATANDAANG, napikon din kay Tulfo ang aktor na si Raymart Santiago kung saan inumbag siya nang makita sa airport dahil ibinidyo niya sa kanyang cellphone ang pagtalak ni Claudine Barretto sa isang staff at nandu’n ding tinadyakan niya ang aktres na ikinagalit ng noon ay mister pa nito.
Hindi umubra ang iniyayabang ni Tulfo na “martial arts” at bodyguard sa napikong aktor!
◘◘◘
NAGBANTA si Medialdea na magsasampa ng ikalawang kaso ng libelo laban sa brodkaster.
Delikadong masibak ang brodkaster bilang special envoy to China kapag kinatigan ni P-Digong ang kanyang executive secretary!
◘◘◘
IMBES na makatulong kay P-Digong, malinaw na nakasisira sa kanyang reputasyon ang pagtatalaga ng mga kaduda-dudang personalidad sa gabinete.
Hindi na yata matitigil ang gusot na inihahatid ng mga kaduda-dudang mamamahayag sa Malacañang!
◘◘◘
SA huling tatlong taon ni P-Digong, mahalagang makapili siya ng matitinong tao sa kanyang gabinete.
Kailangan ni P-Digong ang kasangga imbes na pabigat sa kanyang administrasyon!





Comments