top of page

‘Di man sila nakikita ng lahat... MGA DUWENDE, DAPAT HAINAN NG PRUTAS AT KAUSAPIN PARA MAY SUWERTENG

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 5, 2019
  • 2 min read

Bigyang-daan natin ngayon ang email ni Quel ng Quel_Po@facebook. com

Dear Señor, Noong bata ako, may mga kalaro akong duwende. Tatlo sila, isang babae at dalawang lalaki, ‘yung isang duwende, Prince ang pangalan. Minsan, dinala niya ako sa bahay nila tapos, may masasarap na pagkain at iba’t ibang kulay na kendi. Palagi akong nakikita ng papa ko na tulog sa lupa pero, hindi siya naniniwala kapag sinasabi ko na naglalaro ako. ‘Yung kendi na ibinulsa ko ay naging maliliit na bato. Hanggang ngayon, palagi pa rin silang nagpaparamdam sa akin pero, hindi ko alam kung paano ko sila kakausapin. Minsan, tinatawag nila ako kapag natutulog ako, pero, wala namang tao kapag sinisilip ko. Nang lumipat kami ng bahay nu’ng siyam na taon ako, hindi ko na sila nakikita, pero, nararamdaman ko na nand'yan sila. Ang sabi ng manggagamot, mayroon daw akong kasama at may gusto silang ibigay sa akin pero, binabalewala ko sila. Handa na akong makipag-usap sa kanila kaso, hindi ko alam kung paano. Puwede n’yo ba akong turuan? Forty-six years old na ako ngayon. Salamat! Naghihintay, Quel

Sa iyo Quel, Hindi lang ikaw ang may karanasan sa mga duwende dahil marami ang nagpapatunay na may nakita silang mga duwende.

Pero, dahil ang mundo ay mapanghusga, inililihim na lang ng mga nakakita sa mga duwende ang kanilang karanasan. May ilang hindi naniniwala sa mga duwende pero, nagbago ito nang makakita sila nito.

Mayroon akong kakilala na taga-Nueva Ecija at napagkuwentuhan namin ang mga duwende na nasa bakuran nila at mababait naman daw ang mga ito, pero, inilihim lang nila dahil mapanghusga ang mga tao.

Ipinayo ko na maglagay siya ng maliit na espasyo sa bakuran na para lang sa mga duwende.

Gayundin, sinabi ko na regular niyang lagyan ng mga prutas ang espasyo at kapag nakita niya na ang mga prutas ay hindi nagbago, huwag niyang isipin na hindi ‘yun nagustuhan ng mga duwende dahil ang totoo, ang amoy lang ng mababangong prutas ang kanilang gusto.

Puwede rin niyang kausapin ang mga duwende sa salitang gamit sa Nueva Ecija.

Sa huling pag-uusap namin, sabi niya, yumaman daw sila dahil mula nang gawin niya ang ipinayo ko, palagi silang binubuwenas sa ani ng mga pananim.

Kaya sa tanong mo kung paano kakausapin ang mga duwende ay ganundin ang sagot, alam nila at nauunawaan ang salitang nakasanayan mong gamitin sa bahay ninyo kaya ‘yun mismo ang gamitin mo.

Good luck and God bless!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page